MANILA, Philippines - Sa hangaring maibalik ang kinang sa larangan ng cycling, bumuo ng matikas na koponan ang Pangasinan na ilalaban sa 2011 Le Tour de Filipinas mula Abril 16 hanggang 19.
Si dating Tour champion Arnel Quirimit ay isasama sa mga beternong sina Sherwin Carrera at Joseph Millanes na babandera sa Pangasinan na makikipagtagisan sa mga pambatong locals at dayuhang koponan.
Sa edad na 38, ipinakita ni Quirimit na may asim pa siya sa pagbibisikleta nang mapagharian ang dalawang yugtong 2nd Tour of Hundred Islands sa Alaminos Pangasinan na kung saan tinalo niya sina Carrera at Millanes.
Ang tubong Pozzorubio, si Quirimit na 2003 Tour Pilipinas champion, ay naorasan ng 9 oras, 1 minuto at 54.92 segundo upang makuha ang P15,000 unang gantimpala.
“Pangasinan will always be a Mecca of cycling in the Philippines and our Tour de Hundred Islands is our way of discovering and helping more young talents fulfill their dreams and prepare them for national and international cycling events,” ani Alaminos mayor Hernani Braganza.
Maliban sa karera, naipakita rin ng kompetisyon ang magandang tanawin lalo na ang pamosong Hundred Island National Park.
Taong 2006 sinimulan ang kompetisyon at sa Setyembre ay balak uling mapatakbo sa nasabing ruta at ngayon pa lamang ay nakikipag-usap na si Braganza sa Philcycling na ni Abraham “Bambol” Tolentino para mas mapaganda ang karera.
Nanalo naman sa team category ang Children Island para sa P50,000 premyo. Ang Lopez Island, Scout, Clave at Quezon Island ang pasok sa top 5 team.