MANILA, Philippines - Kagaya ng dapat asahan, sinamantala ng Elasto Painters ang kawalan ng import ng Aces para wakasan ang kanilang four-game losing slump at palakasin ang kanilang tsansa para sa isang playoff seat sa quarterfinal round.
Lumayo sa third period, iginupo ng Rain or Shine ang Alaska, 113-97, tampok ang 20 points, 10 rebounds at 4 assists ni center Beau Belga sa 2011 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Big Dome.
“It gives us a better chance to get on the next round,” ani coach Yeng Guiao sa kanyang Elasto Painters, sinimulan ang torneo mula sa 3-0 rekord.
Itinaas ng Rain or Shine ang kanilang baraha sa 4-4 katabla ang Derby Ace sa ilalim ng semifinalist Smart-Gilas (7-1), Talk ‘N Text (6-1), Alaska (5-2), Barangay Ginebra (5-3) at Alaska (5-3), kasunod ang Air21 (3-4), Meralco (2-6), Powerade (2-6) at talsik nang San Miguel (1-7).
Isang one-game suspension at multang P20,000 ang natanggap ni import LD Williams mula sa kanyang Flagrant Foul Penalty 2 kay Mac Cardona sa 104-101 overtime win ng Alaska sa Meralco noong nakaraang Biyernes.
Isang three-point shot ni Josh Vanlandingham ang nagbigay sa Rain or Shine ng isang 17-point lead, 87-70, sa 10:20 ng fourth quarter matapos isara ang third period bitbit ang 81-67 lamang laban sa Alaska .
Tuluyan nang sinelyuhan ng Elasto ang kanilang panalo sa Aces nang ilista ang isang 20-point advantage, 102-82, sa huling 4:49 ng final canto.
Umiskor si NBA veteran Hassan Adams ng 22 points para banderahan ang Rain or Shine, habang may 13 si Gabe Norwood, 12 si Jeff Chan at 11 si Doug Kramer.
Samantala, asam naman ng Smart-Gilas ang No. 1 berth sa semis sa kanilang pakikipagharap sa Meralco ngayong alas-6 ng gabi sa Tacloban City.