MANILA, Philippines - Maluwag na tatanggapin uli ni Top Rank promoter Bob Arum si Nonito Donaire Jr. kung maiisip nitong mali ang kanyang ginawa sa paglagda ng bagong kontrata sa karibal na Golden Boy Promotions (GBP).
“My message to Donaire is this, if he wants to be an active fighter, then let’s sit down and talk. Through his manager (Cameron Dunkin) or whoever, let’s talk about the balance of his contract with us,” wika ni Arum sa panayam ni Michael Marley ng Boxing Examiner.
Ang pahayag na ito ni Arum ay binitiwan matapos makuha ang paborableng pahayag mula sa arbiter na si Daniel Weinstein na hindi puwedeng kilalanin ang pinirmahang kontrata ni Donaire sa GBP dahil may nauna nang kasunduan ang dalawang boxing promoters na hindi susulutin ang boksingerong nasa kabilang kampo.
Hindi naman titigil agad sa pakikipaglaban ang GBP dahil maghahain sila ng kaso upang madetermina kung live pa ba o hindi ang kontrata ni Donaire sa Top Rank na pinirmahan noon pang 2008.
Pero, para kay Arum, dapat tapusin na ang usapin at nangakong ipagpapatuloy ang pagtulong kay Donaire para makamit ang nais nitong kita sa pagsampa sa ring.
Si Donaire ang kasalukuyang hari ng WBC/WBO bantamweight matapos patulugin sa dalawang rounds lamang ang dating Mexican champion Fernando Montiel.
(