MANILA, Philippines - Alam ng Philippine Azkals ang kahalagahan ng una nilang panalo.
Nakataya ang kanilang kapalaran, tinalo ng Azkals ang Bengal Tigers ng Bangladesh, 3-0, upang tuluyan nang umabante sa tournament proper ng Asian Football Confederation (AFC) Challenge Cup sa 2011 kahapon sa Rangoon, Myanmar.
Tinapos ng Azkals ang kanilang kampanya sa group stage ng naturang torneo mula sa kanilang 5 points kasama rito ang 1-1 draw sa White Angels ng Myanmar noong Lunes at ang 0-0 scoreless draw sa Fighters ng Palestine noong Miyerkules.
Sa scoring system, ang won game ay may katumbas na 3 points, habang ang draw ay may 1 point.
Makakasama ng Azkals sa tournament proper ng AFC Challege Cup sa susunod na taon ang Palestine, tinalo ang Myanmar, 3-1, sa isa pang laro, na may 7 points.
Tumapos ang Bangladesh bilang ikatlo mula sa kanilang 3 points (1 win, 1 loss) kasunod ang Myanmar na may 1 point (1 draw, 2 losses).
Ang baguhang si Filipino-Spanish striker Angel Aldeguer Guirado ang nagsalpak ng dalawang goals ng Azkals, samantalang si striker Ian Araneta ang nagpasok ng unang goal.
“Definitely, this is a great win for the team as well as for the Philippines,” sabi ni Araneta.
Naikonekta ni Araneta ang unang goal ng Nationals sa pang 41st minute ng first half matapos ang loose ball ni Guirado.
Isang header ni Guirado, pumalit sa may hamstring injury na si Phil Younghusband, mula sa pasa ni Araneta sa kaagahan ng second half ang nagbigay sa Azkals ng 2-0 lamang kontra Bengal Tigers.
Ipinasok ng Filipino-Spanish ang kanyang pangalawang goal sa pang 80th minute matapos makuha ang isang loose ball para sa kanyang sipa sa bottom left corner ng Bangladesh’s goal.
Bukod sa opensa nina Guirido at Araneta, matinding depensa rin ang itinayo nina team captain Aly Borromeo, Anton del Rosario, Ray Jonsson at goalkeeper Neil Etheridge laban sa Bengal Tigers.
Bago sagupain ang Azkals, ginitla muna ng Bengal Tigers ang White Angels, 2-0, noong Miyerkules.