MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang pagtungo ng mga panatiko ng tennis sa Rizal Memorial Tennis Center nang manalo sa unang laro ang Filipino top seed Jeson Patrombon sa pagbubukas ng kanyang kampanya sa 22nd Mitsubishi Lancer International Tennis Champions kahapon.
Pinawi ni Patrombon ang mahinang panimula sa pamamagitan ng agresibong paglalaro sa mahalagang yugto ng labanan para iuwi ang 6-3, 6-3, panalo laban kay Patrick Elias ng Germany sa round of 32.
Nag-bye sa first round, ang 17-anyos tubong Iligan City at ngayon nga ay ranked 9th na sa mundo ay sunod na babanggain si 14thseed Mexican Luis Patino na nanalo naman kay Jordan Thompson sa tatlong mahigpitang sets, 6-1, 5-7, 6-3.
“Inspired akong maglaro dahil sa suporta ng mga manonood. Nakakapagpataas ng confidence ang kanilang mga palakpak. Iba talaga dito kumpara sa Thailand at Malaysia dahil doon si coach Manny (Tecson) lang ang nanonood,” wika ni Patrombon.
Huling taon na niya ng paglalaro sa torneong ito dahil sa Marso 27 ay magiging 18-anyos na siya kaya’t tinitiyak niyang ibibigay ang lahat ng makakaya para manalo sa boy’s division.
Kakampanya rin si Patrombon sa boys doubles at makakapareha uli si Jaden Grinter ng New Zealand at ang fourth seed ay magbabalak na makuha ang kanilang unang titulo sapul nang nagtambal noong nakaraang taon.
Nanalo rin ang ibang seeded players sa pangunguna ni Australian Andrew Whittington, ang tumalo kay Patrombon sa Malaysia, sa pamamagitan ng 6-4, 3-6, 6-4, kontra kay Zhaoyi Cao.