MANILA, Philippines - Matapos ang 1-1 draw sa White Angels ng Myanmar noong Lunes, isang scorelesss draw naman ang nangyari sa laban ng Philippine Azkals at Palestine Fighters sa group stage ng 2011 AFC Challenge Cup kahapon sa Rangoon, Myanmar.
Kumpara sa 2 points ng Azkals dahilan sa kanilang 1-1 draw ng White Angels, may 4 points naman ang Fighters sa scoring system ng torneo mula sa kanilang 2-0 paggupo sa Bangladesh noong Lunes.
Ang top two matapos ang group stage ang siyang papasok sa tournament proper ng Challenge Cup sa susunod na taon.
Ginamit ng Fighters ang kanilang tangkad para dominahin ang Azkals sa first half.
Nagkaroon ng pagkakataon ang Azkals na makaiskor mula sa header ni Filipino-Spanish player Angel Aldeguer Guirado, pumalit sa may hamstring injury na si striker Phil Younghusband, sa pang 62nd minute.
Ngunit ito ay nasambot ng Palestinian goalkeeper.
Napasakamay rin nina Filipino Emilio “Chieffy” Caligdong at Fil-German Rob Gier ang tsansa na makalusot ng goal ngunit nagpakalat ng isang striker at limang midfield formation ang Fighters sa passing lanes ng Azkals.
Ilang ulit namang tumama sa crossbar ang sipa ng mga Fighters na lumusot sa depensa ni 6-foot-3 goalkeeper Neil Etheridge.
“Another good result so close to the W. Regretting not winning the first game! Well done everyone! Thank you for all the support,” sabi ng 23-anyos na si Etheridge sa kanyang Twitter account.
Sa hangaring makahugot ng suwerte, tatlong Azkals ang pinalitan ni German coach Michael Hans Weiss sa dulo ng second half kung saan napilayan si Caligdong sa pang 88th minute.
Kailangan ng Azkals na manalo sa Bangladesh bukas para makakuha ng 5 points.