MANILA, Philippines - Hindi mangingiming harapin ni Go Teng Kok si Joey Romasanta upang makipagliwanagan sa problema patungkol sa pampanguluhan ng Philippine Karatedo Federation (PFK).
Sa pagdalo ni Go sa PSA Forum kasama ang legal counsel na si Atty. Sammy Estimo, kanyang inihayag ang napipintong pagkukrus ng landas nila ni Romasanta na maaaring mangyari sa POC General Assembly sa Marso 30.
“Dadalo ako sa General Assembly at sana ay dumalo rin si Romasanta,” wika ni Go na nakikipagtagisan sa dating kakampi para sa pampanguluhan ng PKF.
Hindi ang puwesto bilang pangulo ang nais ni Go na hawakan dahil sinabi nitong puwede niya itong ibigay kay Romasanta kahit ngayon na.
Pero ang pamamaraan sa pagkakatanggal sa kanya ng wala sa tamang proseso ang kanyang iniinda at siyang ipinaglalaban ni Go.
Tinanggal si Go bilang presidente dahil bawal umano ito sa Constitution ng PKF ang magkaroon ng pangulo na may iba pang pinamumunuang NSAs.
Si Go ay pangulo rin ng athletics ng bansa.
Ngunit sa ipinatawag na pagpupulong ni Go na kung saan 15 buhat sa 22 kasapi ang sumipot, pinagtibay nila ang pagkilala kay Go at ang inalis ay si Romasanta.
Ang problema ay uma bot na sa POC at ang executive board ay kumiling kay Romasanta sa kasunduang magpapatawag ito ng isang national election sa kanilang national open na isasabay sa PNoy National Games sa Mayo.
Hindi ito kinikilala ni Go at para mapigil ito ay dumulog na siya sa Pasig City Regional Trial Court nitong Lunes para magpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) sa pagkilala ng POC kay Romasanta.
Bukod kay Romasanta, inireklamo rin ni Go si POC President Jose Cojuangco Jr., at secretary general Steve Hontiveros.