CHICAGO--Nagposte sina Derrick Rose at Kyle Korver ng tig-18 points para ihatid ang Chicago Bulls sa 132-92 paglampaso sa Sacramento Kings para sa pang siyam na panalo sa 10 laro.
“It’s fun,” wika ni Rose. “I can’t complain about anything right now. We’re winning games, playing good basketball and the city is going crazy.”
Ang tagumpay ang nagbigay sa Bulls ng (50-19) kanilang unang 50-win season sapul noong 1997-98.
Nanatiling magkatabla ang Chicago at Boston sa liderato ng Eastern Conference.
Ang naturang 1997-98 edition ng Bulls ang nagwagi ng NBA championship, ang huli sa kanilang anim na korona noong 1990s.
Nagdagdag si Boozer ng 16 points sa kanyang pagbabalik sa lineup ng Bulls matapos magpahinga ng limang laro dahil sa isang sprained left ankle.
Nag-ambag si Luol Deng ng 17 points para sa Bulls kasunod ang 15 ni Keith Bogans.
Sa Memphis, pinayuko ng host team ang Utah Jazz, 103-85 upang mapatatag ang kanilang kapit sa final Western Conference playoff spot.
Sa Denver, naglabas ang Nuggets ng mala-lintang depensa upang puwersahin ang kalabang Toronto Raptors na gumawa ng 23 turnover tungo sa 123-90 pagmasaker sa Raptors.
Sa iba pang resulta, nanalo ang San Antonio sa Golden State, 111-96 at hiniya ng Orlando ang Cleveland, 97-86.