Pacquiao-Mayweather fight ibinasura na ni Arum

MANILA, Philippines - Tuluyan nang lumabo ang planong pagkikita sa ring nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.

Mismong si Top Rank Promoter Bob Arum ang nag­sabi nito nang kanyang ihayag ang paghihingi ni Mayweather ng $100 milyon bilang bayad bago ito pumayag na labanan si Pacquiao.

“Mayweather asked for numbers so high that he is indicating he doesn’t what the fight. He has priced himself out of the fight,” wika ni Arum.

Binuhay nga ni Arum ang usapin sa Pacquiao-Mayweather fight nang magkaayos at magkasama uli ang dating karibal na promoter Don King.

May kumatawan kay Mayweather sa mga isinagawang negosasyon pero laking gulat niya nang humingi ito ng $100,000 bayad.

 “Who’s gonna pay him $100 million? There is nothing left for Manny if we give him what he is asking for,” dagdag pa ng 79-anyos na promoter.

Ugali na ni Mayweather na magbigay ng mga rason para hindi matuloy ang laban nila ng kasalukuyang pound for pound champion.

Sa nagdaang dalawang taon ay sinikap ni Arum na maikasa ang labang pinakaaasam ng lahat pero gumanti lamang si Mayweather ng pag-akusa kay Pacquiao na gumagamit ito ng performance enhancing drugs.     

Dahil dito ay nais niyang magpakuha sila ni Pacquiao ng walang humpay na blood test hanggang sa gabi ng laban bagay na inayawan ng kasalukuyang Kongresista ng Sarangani.

Dala nga ng mga akusasyong ito ay nagsampa ng kaso sa US courts si Pacquiao at sa huling pagdinig ay binigyan ni US District Judge Larry Hicks ng go signal para umusad pa ang kaso bunga ng pagkakakita ng matibay na ebidensya na tumutukoy na tama ang pagsampa ng reklamo ng kasalukuyang pound for pound champion.

“I want the fight to happen. Manny wants the fight to happen. We all want the fight to happen but it takes two to make the fight. So I don’t see any hope of the fight to happen,” winika pa ni Arum.

Show comments