Sa pagtatapos ng Zamba Multisports Festival: Manggrobang 3 Gold ang sinikwat

CANDELARIA, Zambales-- Kinuha uli ni Kim Mangrobang ang titulo sa Black Sand Triathlon Challenge upang makumpleto ang pagbibida sa pagtatapos ng Zamba Multisports Festival nitong Linggo sa Dawal Beach.

Hindi naman nagpahuli si Canadian triathlete Matt O’ Halloran na isinama ang men’s elite triathlon title sa naunang pinanalunang Open Water swim matapos do­minahin mula simula hang­gang matapos ang ka­rerang inilagay sa 1.5 swim, 50k bike at 12k run.

Si O’ Halloran na nais na gawing naturalized pla­yer ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) ay nanguna sa lahat ng aspeto ng karera tungo sa 2:44:16 oras.

Pumangalawa ang tubong Sta. Cruz, Zambales na si John Chicano sa 2:58:18 at pumangatlo naman ang CamSur bet at nanalo sa 1st leg ng NAGT sa Subic na si Benjamin Rana sa 3:01:35.

Pero ang araw ay para kay Mangrobang na tinapos ang paglalaro sa kompetisyong handog ni Gov. Hermogenes Ebdane Jr. at inorganisa ni Provincial administrator Jun Omar Ebdane, taglay ang tatlong gintong medalya.

Gaya sa ipinakita sa duathlon at open water swim, agad na iniwan ng 19-an­yos na si Mangrobang ang mga kalaban upang solong tumawid sa meta sa bilis na 3:17:04.

 “Nahirapan lamang ako sa bike dahil solo kayod ka dahil bawal ang drafting,” wika ni Mangrobang na tumabo ng P15,000 sa tatlong araw ng paglahok.

Malayong nasa ikalawang puwesto si 41-anyos Berns Tan sa 3:51:36 habang ang pumangatlo ay si Candy Lee sa 4:08:21.

(ANGELINE TAN)

Show comments