MANILA, Philippines - Masisilayan ang itinatagong lakas ng Cebuana Lhullier sa pagbabalik aksyon ng PBA D-League Foundation Cup ngayon sa The Arena sa San Juan.
Nasa ikatlong playdate na ang ligang nilalahukan ng 13 koponan at kung palarin ang Gems ay makakasalo sila ng Cobra Energy Drink at FCA Cultivators na may isang panalo sa Group B.
Kalaban ng tropang hawak ni coach Luigi Trillo ang Cafe France sa tampok na laro na magsisimula matapos ang bakbakan ng Pharex Naproxen Sodium at Black Water Elite.
“On papers, malakas ang team pero malalaman mo ito sa actual game,” wika ni Trillo na ang koponan ay binubuo ng mga bigating collegiate players at beterano ng PBA.
Sina Benedict Fernandez, Marvin Hayes, Narciso Llagas at Fil-Am Chris Canta ay masasamahan ng ex-PBA na si James Sena bukod pa sa mahusay na Cebuano player Ariel Mepana para patingkarin ang paghahangad ng titulo ng koponang pag-aari ni Jean Henri Lhuillier.
“Hindi ko nga akalain na mapipili ko ang mga players na ito dahil isa kami sa teams na nahuli ng pagbuo ng koponan,” dagdag pa ni Trillo.
Sa kabilang banda, ang Cafe France ay hawak naman ni Ramon Jose na isa ring bagito kung coaching sa ganitong liga ang pag-uusapan.
Aasahan niya ang paghahangad ng manlalaro na makilala dahil bitbit niya ang mga manlalaro ng National University, Jose Rizal University at CEU.
Unahan din sa unang panalo ang mangyayari sa pagitan ng Pharex at Black Water na kung saan ang tropa ni coach GIan Carlo Tan ay sasakay sa subok nang manlalaro tulad nina Edwin Asoro, Marlon Adolfo, Chestery Taylor, Raymond Aguilar at Leomar Losentes kontra sa bataan ni coach Leo Isaac na binubuo nina Giorgio Ciriacruz, Ian Mazo, Mark Anthony Limpat, Rocky Acidre at Jerby Del Rosario.