MANILA, Philippines - Bagamat noong Enero 22, 1995 sinimulan ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao ang kanyang professional boxing career, patuloy naman ang Pilipino Star Ngayon sa pagtatampok sa kanyang mga laban at aktibidad hanggang sa ngayon.
Sa kanyang unang professional fight, tinalo ng dating 16-anyos na si Pacquiao si Edmund Enting Ignacio via points, 4-0, sa flyweight division sa Mindoro Occidental.
At matapos ito, sumakay ang tubong Kibawe, Bukidnon sa isang 10-fight winning streak bago natalo kay Rustico Torrecampo via third-round knockdown noong Pebrero 9, 1996 sa Mandaluyong City.
Kaagad itong kinalimutan ni Pacquiao mula sa kinuhang 15-fight winning streak na tinampukan ng kanyang pag-angkin sa kauna-unahan niyang world boxing crown makaraang patulugin si Chatchai Sasakul ng Thailand para sa World Boxing Council (WBC) flyweight belt noong Disyembre 4, 1998 sa Tonsuk College Ground sa Phuttamonthon, Thailand.
Dalawang beses itong naidepensa ni Pacquiao hanggang mahubaran ng titulo noong Setyembre 17, 1999 sa Nakhon Si Thammarat, Thailand kung saan siya sumobra sa required weight limit ng WBC.
Dahilan sa panghihina mula sa sobrang pagbabawas ng timbang, natalo si Pacquiao kay Thai challenger Medgoen Singsurat via third-round KO.
Isang seven-fight winning run ang nagbangon kay Pacquiao, kasama na rito ang kanyang pag-agaw sa International Boxing Federation (IBF) super bantamweight belt ni South African Lehlo Ledwaba mula sa isang sixth-round TKO noong Hunyo 23, 2001 para sa kanyang unang laban sa United States.
Apat na ulit naipagtanggol ni Pacquiao ang naturang WBC super bantamweight crown hanggang makaharap si Mexican legend Marco Antonio Barrera noong Nobyembre 15, 2003 sa Alamodome sa San Antonio, Texas.
Tinalo ni Pacquiao si Barrera via 11th-round TKO para kilalanin bilang “People’s Featherweight Champion”.
Huling natalo si Pacquiao kay Mexican great Erik Morales via unanimous decision para sa bakanteng WBC International super featherweight crown noong Marso 19, 2005 kasunod ang kanyang 13-fight winning streak.
Maliban kina Barrera at Morales, ang iba pang tinalo ni Pacquiao ay sina Juan Manuel Marquez, Erik Morales, Oscar Larios, Jorge Solis, David Diaz, Oscar De La Hoya, Ricky Hatton, Miguel Cotto, Joshua Clottey at Antonio Margarito.
Kasalukuyang naghahanda ang 32-anyos na Sarangani Congressman para sa kanyang pagdedepensa ng suot na World Boxing Organizaiton (WBO) weltertweight title laban kay challenger Sugar Shane Mosley.
Magaganap ang Pacquiao-Mosley fight sa Mayo 7 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.