MANILA, Philippines - Dahilan sa kumplikasyon sa kanyang kalusugan, pumanaw na kahapon ng umaga si dating Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner Atty. Rodrigo “Rudy” Salud sa Medical City sa Pasig.
Ang 72-anyos na si Salud, founding secretary general ng World Boxing Council (WBC), ay nagsilbi bilang PBA Commissioner simula noong 1988 hanggang 1992.
Naulila ng tubong San Juan, Batangas ang kanyang asawang si Josephine, mga anak na sina Angelico (Chito, ang kasalukuyang PBA Commissioner), Renato, Priscilla, Arnold, Christine, Margaret at Annabel.
Nakalagak ang mga labi ni Salud sa Sta. Maria Della Strada Parish sa Katipunan Road, cor. Pansol st. sa Quezon City.
Ang libing ay nakatakda sa Huwebes.
Bukod sa basketball at boxing, nakilala rin si Salud sa larangan ng horse racing kung saan siya nagsilbi bilang executive director ng Philippine Racing Commission (Philracom) sa ilalim nina dating Makati Mayor Nemesio Yabut at Ambassador Eduardo “Danding” Cojuangco Jr..
Naging secretary general rin si Salud ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP).
Si Salud ang nagbalangkas sa by-laws and constitution ng PBA bilang isang founding legal counsel ng professional league noong 1975.
Matapos ang 11 taon sa naturang posisyon, nailuklok si Salud bilang deputy Commissioner noong 1986 bago naging Commissioner noong 1988.