LAPU LAPU CITY ,Philippines -- Matapos matalo sa kanilang unang singles matches, nangako si Cebuana Lhuilier-Philippines’ playing team captain Cecil Mamiit na babawi sila.
Tinalo ng Fil-Am duo nina Mamiit at Treat Conrad Huey ang Japanese pair nina Takao Suzuki at Hiroki Kondo, 6-1, 7-6(5), 6-2, sa doubles match para buhayin ang kanilang tsansa sa Asia-Oceania Davis Cup Group I tie dito sa Plantation Bay Resorts and Spa claycourt kahapon.
Pinutol ng mga Filipino netters ang 0-2 deficit ng mga Japanese sa 1-2.
Nauna nang natalo si Mamiit kay Japan No. 2 Tatsuma Ito, 4-6, 7-6(5), 3-6, 7-6(3), 7-9, sa singles noong Biyernes na tumagal ng lima at kalahating oras.
Yumukod rin si Johnny Arcilla, isang ‘last-minute replacement’ kay Huey, kay Japan No. 1 Go Soeda, 3-6, 3-6, 3-6..
“Buhay pa,” sabi ng 34-anyos nasi Mamiit matapos ang naturang panalo nila ni Huey sa doubles match.
Sina Mamiit at Huey ang muling ihaharap kina Go at Iot, ang 2010 Guangzhou Asian Games bronze medalists, sa reverse singles ngayong alas-10 ng umaga.
Hangad ng mga Pinoy na maduplika ang kanilang 3-2 paggupo sa South Korea mula sa 0-2 deficit noong nakaraang taon.
“It’s almost replaying what happened in Korea, its what’s going on right now and I just sense its coming back again,” wika ni Mamiit. “Maybe this is the sign, we’re doing it again and I’m positive of our team and chances.
Tinapos rin nina Mamiit at Huey, ang 2009 Laos Southeast Asian Games doubles silver medal winners, ang 17 sunod na kabiguan ng bansa sa Japan, kasama na rito ang 0-5 kabiguan sa Osaka noong 2010.