MANILA, Philippines - Lumakas ang tsansa ng taekwondo na humakot ng mga medalya sa 26th Southeast Asian Games.
Sa inihayag ni POC treasurer Julian Camacho, magkakaroon ng tatlong karagdagang jins ang bawat bansa na maghahangad na manalo sa 21 events na paglalabanan sa Indonesia sa Nobyembre.
“Binigyan ang mga kasaling bansa ng 15 jins mula sa dating 12 sa Laos para mabuo ang isang delegasyon. Ang pagkakaroon ng tatlong karagdagang jins ay magbibigay ng karagdagang tsansa na manalo ng ginto,” wika ni Camacho nang dumalo sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura kahapon.
Sa napagkasunduan ng 10 kasaping bansa sa Southeast Asian Games Federation meeting sa Bali, Indonesia kamakailan na dinaluhan din ni Camacho, nagdesisyon na ang isang bansa na kasali sa taekwondo na bigyan ng tig-anim na kalalakihan at kababaihan bukod pa sa tatlong kakatawan sa poomsae event para sa 15-kataong delegasyon.
Si Camacho ay nakadalo sa pagpupulong kasama nina POC chairman Monico Puentevella, first vice president Manny Lopez at sec-gen Steve Hontiveros.
Ang Palembang sa South Sumatra at Jakarta ang siyang tatayong host ng 48 sports na hinati sa dalawang lugar at magtataya ng 544 events.
Pakay ng Pilipinas na mahigitan ang ikalimang puwestong pagtatapos sa Laos sa taong ito.
Wala pa namang linaw ang criteria na gagamitin para sa pagpili ng atleta pero nakikita ni Camacho na papalo ang pambansang delegasyon na nasa 400 atleta.