MANILA, Philippines - Natalo si Warren Kiamco kay Canadian John Morra sa dalawang laro para sa kampeonato ng 18th US Annual Bar Table 8-Ball division na pinaglabanan sa Sands Regency Hotel sa Reno, Nevada sa USA kahapon.
May twice to beat advantage si Kiamco sa labanan dahil pumasok siya sa hot seat mula sa winner’s bracket habang si Morra ay nanalo sa loser’s bracket.
Pero mas mainit ang ipinakita ni Morra para kunin ang 5-4 at 5-2 panalo at tanghaling kampeon sa dibisyon.
Ngunit hindi naman ito nangahulugan na masama ang kinalabasan ng makailang ulit na SEA Games champion dahil siya ang hinirang bilang All-Around champion ng torneo.
Kampeon si Kiamco sa 9-Ball at tumapos sa unang anim na puwesto sa 10-Ball para madomina ang kompetisyon.
Dahil dito ay nakuha rin ni Kiamco ang karagdagang $2,000 upang isama sa $4,650 panalo sa 9-Ball at $3,000 sa 8-Ball tungo sa kabuuang $9,650 premyo.
Ito ang ikalawang pagkakataon na hinirang si Kiamco bilang US Bar Table Event All Around Champion matapos mapanalunan ito noong 2007.
Siya rin ang lalabas na ikatlong Filipino cue artist na nakitaan ng galing laban sa mga dayuhan sa kompetisyon sa labas ng bansa matapos nina Alex Pagulayan at Dennis Orcollo.
Si Pagulayan ay nanalo sa Derby City Classic Banks Division bukod pa sa Jay Swanson Memorial at 18th US Annual Bar 10-Ball habang si Orcollo ay naghari sa World 8-Ball Championship sa Fujairah UAE.
“Ang paghirang kay Warren bilang All Around champion matapos ang panalo ni Dennis sa World 8-Ball ay patunay sa mataas na estado ng bilyarista ng bansa kung pagalingan sa mga dayuhan ang pag-uusapan,” papuri naman ni Jonathan Sy ng Negros Billiards Stable (NBS) na sumusuporta sa kampanya ni Kiamco.