MANILA, Philippines - Kagaya ng dapat asahan, muling pinagbidahan ni import Hassan Adams ang panalo ng Elasto Painters.
Umiskor ang NBA veteran ng 23 points, habang may 15 si Ronjay Buenafe para igiya ang Rain or Shine sa 101-92 paggupo sa Meralco sa 2011 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Nagdagdag si John Ferriols ng 12 markers para sa 2-0 record ng Elasto Painters kasunod ang 11 ni Doug Kramer, samantalang may 31 points si import Tony Danridge at 22 si Mac Cardona para sa 0-2 slate ng Bolts.
“Were able to finish strong and that’s really what we need for a young team like us, be able to close out well. There are some guys who made the difference, like Ronjay, Ryan (Araña) and TY (Tang). But our import did a good job as well,” ani coach Yeng Guiao.
Mula sa 79-75 lamang sa third period, isang 11-7 atake ang pinamunuan ni Buenafe para ibigay sa Rain or Shine ang 90-82 abante sa 6:01 ng fourth quarter.
Bagamat nakalapit ang Meralco sa 87-92 sa 3:34 ng laro, apat na freethrows ang isinalpak nina Kramer at Adams para ilayo ang Rain or Shine sa 97-87 sa huling 2:02 ng laro.
Samantala, bagamat nakarating na sa kanyang opisina, wala pa ring inihahayag si PBA Commissioner Atty. Chito Salud kung aaprubahan niya o ibabasura ang trade sa pagitan ng Air21 at San Miguel.
Ayon sa isang source, itinaya ng Express sina 2010 top overall picks Nonoy Baclao, Rabeh Al-Hussaini at Rey Guevarra bilang kapalit nina veteran players Danny Seigle, Mick Pennisi at Joseph Yeo ng Beermen.
Rain or Shine 101 - Adams 23, Buenafe 15, Ferriols 12, Kramer 11, Jazul 8, Araña 8, Tang 6, Norwood 5, Cruz 4, Ibañes 4, Belga 3, Rodriguez 2, Uyloan 0, Chan 0.
Meralco 92 - Danridge 31, Cardona 22, Hugnatan 11, Mercado 8, Espinas 6, Ross 5, Isip 4, Taulava 4, Ritualo 1.
Quarterscores: 25-27, 55-54, 79-75, 101-92.