MANILA, Philippines – Sa ipinosteng 32 points, 11 rebounds, 8 assists at 2 steals ni import Nate Brumfield laban sa Meralco noong nakaraang Sabado, hindi nakakapagtakang kabahan si Alaska coach Tim Cone sa Barangay Ginebra.
“The Kings looked very sharp in their first game and the import seemed a good fit. We’ll have to find some answers for Grumfield and his all-around game,” ani Cone. “It should be a good match-up.”
Kapwa hangad ang kanilang 2-0 rekord, magsasagupa ang Gin Kings at ang Aces ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Rain or Shine Elasto Painters at Meralco Bolts sa alas-4 ng hapon sa 2011 PBA Commissioner’s Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Nanggaling ang Gin Kings sa 115-98 paggupo sa Bolts noong Pebrero 18 sa pagbubukas ng torneo sa Laoag City.
Nakahugot naman ang Aces ng 21 points-- tampok rito ang tatlong slam dunks, 8 rebounds, 3 steals at 2 assists kay import L.D. Williams sa 106-82 paggiba sa Powerade Tigers noong nakaraang Miyerkules.
Ayon kay mentor Jong Uichico, lahat ng panalo ay kailangan nilang makuha sa isang maikling elimination round.
Bukod kay Brumfield, muling ibabandera ng Ginebra sina Mark Caguioa, Ronald Tubid, Willie Miller, Eric Menk at Willy Wilson katapat sina Williams, LA Tenorio, Sonny Thoss, Cyrus Baguio at Joe Devance ng Alaska.
Ang Aces, sa likod ni 6-foot-6 import Diamon Simpson, ang nagkampeon sa nakaraang PBA Fiesta Conference.
Sa unang laro, itatampok naman ang pagharap ni Sol Mercado sa kanyang dating koponan.
Matatandaang ipinasok ng Rain or Shine si Mercado sa trading block kasama si 6’7 Jay-R Reyes patungo sa Meralco at Air21, ayon sa pagkakasunod.
Nagmula ang Elasto Painters, gagabayan ni dating Express’ coach Yeng Guiao, sa isang 95-94 pagtakas sa derby Ace Llamados noong nakaraang Miyerkules sa likod ni import Hassan Adams, naglaro sa NBA para sa Toronto Raptors at New Jersey Nets.