MANILA, Philippines - Inangkin ni Efren “Bata” Reyes ang kanyang ikalawang sunod na panalo sa World 8-Ball Pool Championship 2011 matapos daigin ang kababayang si Dennis “Robocop” Orcollo, 7-5, sa Fujairah Exhibition Center sa Fujairah, United Arab Emirates (UAE) kahapon.
May 2-0 record nagyon ang 56-anyos na billiard legend sa group stage play ng naturang 8-ball tournament.
Sunod na makakatapat ni Reyes ang kababayang si Antonio “Nickoy” Lining ng Oriental Mindoro, nagpayukod kay Jepthant Palencia, 7-2, sa Group 3.
“Sana mahawakan ko ang momentum,” ani ‘Bata,’ nagdomina sa WPA World Pool Championships sa Cardiff, Wales noong 1999 at WPA World 8-Ball Championships sa Fujairah, United Arab Emirates noong 2005.
Katulad nina Reyes at Lining, nagposte rin ng kani-kanilang mga panalo sina Ronato “Volcano” Alcano ng Calamba, Laguna at Lee Vann “The Slayer” Corteza ng Davao City.
Tinalo ni Alcano si Ramil “Bebeng” Gallego, 7-4, sa Group 7, samantalang iginupo ni Corteza si Mehdi Rasheki, 7-3, sa Group 10.
Makakatapat ni Alcano si Basher Hussain, habang makakalaban naman ni Corteza si Thomas Engert.
Natalo naman sa kanilang mga kalaro sina World 9-ball champion Francisco “Django” Bustamante at Venancio Tanio kina David Alcaide, 7-3, at Mika Immonen, 7-4, ayon sa pagkakasunod.
Nauna nang nabigo si Bustamante, 6-7, kay dating World 9-Ball champion Daryl Peach ng Great Britain.