MANILA, Philippines - Hindi na magiging madali ang pagkakasama ng isang atleta sa national delegation para sa darating na 26th SEA Games sa Palembang, Indonesia na nakatakda sa Nobyembre 11-25.
Sinabi ng SEAG Task Force sa pulong kahapon na hindi porke isang bronze medalist ang isang atleta at awtomatiko na itong ibibilang sa national contingent para sa 2011 SEA Games.
Sinabi ni Mark Joseph ng swimming association at miyembro ng SEAG Task Force, na mas titingnan nila ang ‘long term program’ ng mga National Sports Associations (NSAs) para sa kanilang mga atleta.
Sa nakaraang mga SEA Games, awtomatikong makakasama ang isang atleta sa delegasyon mula sa kanyang nakuhang bronze medal sa nilahukan niyang biennial event.
Para sa 2011 SEA Games, ibang selection process na ang ipapatupad ng SEAG Task Force.
“The selection process is based actually on ‘preparedness to compete’ and not the old one,” sabi ni Joseph.
Itinakda ng SEAG Task Force sa Marso 2 ang deadline para sa pagsusumite ng mga NSAs ng kanilang mga listahan ng kandidatong atleta para sa 2011 SEA Games.
Ang pagbabantay sa mga NSAs ay hinati na ng Philippine Olympic Committee (POC) at ng Philippine Sports Commission (PSC).
Si POC vice-president Manny Lopez ang magmamatyag sa boxing, badminton, billiards, rowing, sailing, dragonboat, water skiing, fencing, weightlifting at canoeing; si POC board member Jeff Tamayo ay sa taekwondo, karate, judo, pencak, shooting, wushu, wall climbing, soft tennis, tennis, wrestling at sepak takraw.
Si PSC Commissioner Akiko Thompson ang siyang titingin sa basketball, baseball, bowling, football, futsal, gold, petanque, volleyball, athletics at chess, habang si Joseph ay sa diving, swimming, synchronized swimming, water polo, open water swimming, archery, equestrian, fin swimming, gymnastics, softball at table tennis.