Huey kampeon sa doubles sa Morocco netfest

MANILA, Philippines - Nagkaroon ng magandang pabaon si Treat Conrad Huey sa sarili bago su­ma­ma sa Philippine Davis Cup team na lalaban sa Japan sa Asia Oceania Zone Group I Da­vis Cup opening tie sa Plantation Bay Resort sa Lapu Lapu City, Cebu.

Nakipagtambalan kay Simone Vagnoz­zi ng Italy, sila ni Huey ay nagkampeon sa idinaos na ATP Challenger doubles event sa Meknes, Morocco para makadagdag sa kumpiyansa nito patungo sa maha­la­gang tie na itinakda mula Marso 4 hang­gang 6.

Itinalaga bilang top seeds sa kompetis­yon sina Huey at Vagnozzi at nakalusot laban sa second seeds na sina Alessio Di Mauro at Alessandro Motti ng Italy sa Finals gamit ang 6-1, 6-2, tagumpay ka­­hapon.

Ang Finals ay dapat nilaro noong Ling­go pero ipinagpaliban dala ng pagbuhos ng malakas na ulan.

Tatlong laro ang hinarap ng nagkam­peong tambalan para maabot ang Finals at una kinalos nina Huey at Vagnozzi si­na Anas Fattar at Yassine Idmbarek ng Morocco sa round of 16, 6-1, 6-0, bago isinunod sina Lamine Ouahab ng Algeria at Leonardo Tavares ng Portugal sa mahig­pitang 3-6, 6-2, 10-8, tagumpay.

Sinagupa ng dalawa sa semifinals ang mga Italyanong sina Walter Trusendi at Matteo Viola na kanilang pinataob sa 6-3, 6-3, straight sets panalo bago tinapos ang pagdodomina sa bisa ng straight sets panalo sa Finals.

Unang kampeonato ito ni Huey sa apat na torneo sa taong ito at unang pagka­kataon na nagtambal sila ni Vagnozzi sa 2011.

Si Huey ay umalis ng Morocco kaha­pon at inaasahang nasa Cebu ngayon para makasama sina Fil-Am Cecil Mamiit, Johnny Arcilla at Elbert Anasta para makapagsanay sa bagong tennis court sa Plantation Bay.

Show comments