SALT LAKE CITY - Ang lahat ng atensyon ay napunta kay Carlos Boozer sa kanyang pagbabalik sa lugar ng kanyang dating koponang Utah Jazz.
Maliban sa All-Star forward na si Boozer, nagbida rin para sa 91-86 panalo ng Chicago Bulls ang dati ring Jazz player na si Kyle Korver.
“It felt good to hit a big shot,” sabi ni Korver matapos magsalpak ng isang mahalagang 3-pointer sa 2:17 ng fourth quarter para ilayo ang Bulls sa Jazz sa 87-83.
Sinelyuhan ni Bulls teammate Ronnie Brewer, hinugot ng Utah sa 2006 NBA Draft, ang tagumpay ng Bulls matapos agawin ang bola kay Jazz point guard Deron Willliams sa huling 7.9 segundo kasunod ang dalawa niyang freethrows.
Tumapos naman si Boozer na may 14 points at 6 rebounds para sa Chicago.
Tumipa si Derrick Rose ng 29 points, 7 assists at 3 rebounds para sa Bulls.
Pinangunahan ni Al Jefferson ang Jazz sa kanyang 28 points kasunod ang 20 points ni Paul Millsap na may 14 rebounds.
Sa Toronto, itinabla ni DeJuan Blair ang kanyang career-high matapos na kumana ng 14 mula sa kanyang 28 puntos sa final canto at tulungan ang NBA-leading San Antonio sa 111 100 panalo sa Raptors.