MANILA, Philippines - Nakatakdang pumili ngayong hapon ang siyam na PBA teams sa dispersal draft na tatampukan ng mga Energy Boosters ng nagbakasyong Barako Bull.
Ang Powerade ang unang koponang huhugot sa dispersal draft sa PBA Commissioner’s Office sa Libis, Quezon City para sa darating na 2010-2011 PBA Commissioner’s Cup na nakatakda sa Pebrero 18.
Ang naturang karapatan ay nakuha ng Tigers matapos ang mahina nilang kampanya sa katatapos na Philippine Cup na pinagharian ng Talk ‘N Text kontra San Miguel.
Kabilang sa 18-man dispersal pool ay sina veteran all-stars Marlou Aquino at Lordy Tugade, Jojo Duncil, Rob Wainwright, Dennis Daa, Chad Alonzo, Richard Yee, Pong Escobal, Marvin Cruz, Ken Bono, Paolo Hubalde, Aris Dimaunahan, Mark Andaya, Christopher Canta, Bruce Viray, Jason Misolas at rookies Borgie Hermida at Khazim Mirza.
Ang 5-foot-11 na si Hermida ay naging sandata ng San Beda Red LIons sa paghahari sa nakaraang NCAA season kontra San Sebastian Stags.
Inaasahang mapupunta si Hermida alinman sa Talk ‘N Text o Meralco na parehong koponan ni Manny V. Pangilinan na sumusuporta sa San Beda College.
Ang Powerade ay susundan ng Rain or Shine, Air21, Alaska, Meralco at B-Meg Derby Ace.
Ang Barangay Ginebra ang huhugot sa No. 7 bago ang runner-up San Miguel at 2010-11 Philippine Cup champion Talk ‘N Text.
Ang puwesto ng Barako Bull ay pupunan ng Smart Gilas Pilipinas ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na pinangungunahan ni Pangilinan bilang presidente.
Ang PBA Commissioner’s Cup ay gagamitin ng Smart Gilas ni Serbian coach Rajko Toroman bilang paghahanda sa 2011 FIBA-Asia men’s championships na magsisilbing qualifying tournament para sa 2012 London Olympics.
Kung magbabalik ang Photokina franchise sa season-ending Governors Cup, sina Hubalde, Alonzo, Dimaunahan, Bono, Cruz, Escobal, Mirza at Daa, ang mga kontrata ay matatapos sa Agosto 2011, ay babalik sa Energy Boosters ni mentor Junel Baculi.
Ang mga may expired contracts naman ay magiging free agents. Sa kabila nito, hawak pa rin ng Barako Bull ang ‘right of first refusal’.
Tatalakayin rin ang PBA D-League at ang tv coveror.