MANILA, Philippines - Hindi maaapektuhan ang nakatakdang press tour nina Manny Pacquiao at Shane Mosley dala ng pagsama ng panahon sa US kamakailan.
Mismong si Top Rank promoter Bob Arum ang nagsabing tuloy na tuloy ang press tour dahil bumubuti na ang panahon sa US na inatake ng matinding winter storm nitong nagdaang mga araw.
“The storm has ended and the weather should start getting warmer by tomorrow. There’s no need to bring you shovels,” wika ni Arum para tiyaking ayos na ayos ang lahat ng plano.
Magkikita sina Pacquiao at Mosley sa May 7 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas para sa WBO welterweight title ng una. Bumaba nga sa 20 degrees fahrenheit ang temperatura sa Dallas kamakalawa pero inaasahang papalo na sa 50 degress fahrenheit ngayon.
Sa Miyerkules ang alis ni Pacquiao patungong Los Angeles para sa pagsisimula sa apat na Siyudad na Tour.
Ililipad siya ng private plane sa Las Vegas sa Pebrero 12 at sa Pebrero 14 ay tutulak naman sa New York sakay ng isang commercial plane. Sasakay naman sa train ang mga maglalabang boxers patungo sa Washington sa Pebrero 15 na siyang huling stop ng Press Tour.
Habang nasa Washington ay sinisikap ni Arum na mapabisita si Pacquiao sa tanggapan ni US President Barrack Obama bukod pa sa pagdalaw sa tanggapan ni Senator Harry Reid.
“We haven’t heard back from the White House but it looks good. But we will visit the Senate, we’re definitely doing that,” dagdag pa ni Arum sa Fanhouse.com.
Ang press conference nga sa Washington ay handog ng Nevada Congressional delegation at ito ay gagawin sa tanggapan mismo ni Senator Reid.
Ang mga mamamahayag na dadalo sa New York presscon ay libreng makakasama sa Washington sakay ng tren. Ang mga sasamang mamamahayag ay maaaring makipag-usap kay Pacquaio habang bumibiyahe patungong Washington.