MANILA, Philippines - Payag si Jeson Patrombon na makipagsanay sa mga kasapi ng Philippine Davis Cup team na maghahanda sa laro nila laban sa Japan sa pagsisimula ng Asia-Oceania Zone Group I first round tie na gagawin sa Plantation Bay Resort and SPA sa Cebu.
Nagkausap sina Philta vice president at Philippine Davis Cup administrator Randy Villanueva at coach Manny Tecson at tinanggap ng huli ang alok kay Patrombon na sumama sa Cebu para makipag-ensayo sa Davis Cuppers.
Sina Fil-Am Cecil Mamiit at Treat Conrad Huey bukod pa sa mga locals na sina Johnny Arcilla at Elbert Anasta ang mga ninombra para bumuo sa koponang magsisikap na daigin ang Japanese team sa torneong gagawin mula Marso 4 hanggang 6.
Masaya naman si Villanueva sa pagtanggap ni Patrombon sa kanilang alok lalo nga’t balak din ng Philta na ilagay ang pambatong juniors player ng bansa sa Davis Cup team.
“Kahit may nominated players na tayo ay puwede pa tayong magpalit at puwedeng maisama pa si Jeson sa team,” wika ni Villanueva.
Habang ang pagsasanay ay gagawin sa Plantation Bay clay court, magpa-practice din si Patrombon sa hard court dahil nakatakda rin siyang sumabak sa mga ITF tournaments sa bandang Marso.
Ang Davis Cup team at si Patrombon ay lilipad na patungong Cebu sa Pebrero 21 tatlong araw matapos ang pagdating nina Mamiit at Huey.
Ang Japanese team naman ay darating ng bansa sa Pebrero 26 para makapagsanay pa.