MANILA, Philippines - Lumabas uli ang tikas ng paglalaro sa 9-ball ni Dennis Orcollo para hiranging kampeon sa Derby City Classic 9-Ball division na nilaro sa Horseshoe Casino, Elizabeth, Indiana, USA.
Pinataob ni Orcollo ang hamon ni Shane Van Boening sa finals, 7-2, para makuha ang kanyang unang major win sa taong 2011.
Isang gold medalist sa 9-ball sa 16th Asian Games sa Guangzhou China noong nakaraang taon, hindi binigyan ni Orcollo ng anumang kumpiyansa ang US player nang umabante agad sa 5-0 sa race to seven finals.
Narating ni Orcollo, isa ring World Masters Champion noong 2010, ang finals nang pagpahingahin si Mika Immonen ng Finland, 7-1, habang nanaig naman si Van Boening kay Niels Feijen sa dikitang 7-6, sa semifinals.
Ang tagumpay ay nagkahalaga ng $16,000 para kay Orcollo na pararangalan din ng Philippine Sportswriters’ Association (PSA) bilang isa sa apat na Athletes of the Year,
Halagang $8,000 naman ang naibusla ni Van Boening na lumabas pa rin bilang pinakamahusay na player sa 2011 Derby City Classic matapos hirangin bilang kampeon sa Master of the Table title.
Sa pagpasok ni Van Boening sa 9-ball Finals ay nahigitan niya ang nakuhang mga puntos ng isa pang Filipino cue artist na si Alex Pagulayan para sa pinakaprestihiyosong titulo sa Derby City Classic.
Nag-uwi si Van Boening na nagkampeon din sa One Pocket division, ng halagang $20,000 habang si Pagulayan na nanalo sa Banks Division, pero pumang-siyam lamang sa 9-ball, ay nalagay sa ikalawang puwesto para sa $3,000.