MANILA, Philippines - Nagkamali si Mexican boxer Alejandro Barrera nang dungisan niya ang reputasyon ni Rey “Boom Boom” Bautista.
Pinagbayad ng Filipino knockout artist si Barrera sa mga inihayag na nadaya siya sa unang tagisan nila nang kunin ni Bautista ang third round knockout na panalo sa main event ng Pinoy Pride 3 noong Sabado ng gabi sa Waterfront Hotel and Casino sa Cebu City.
Ipinamalas ng 24-anyos na si Bautista ang ipinagmamalaking lakas nang mapaupo si Barrera nang tamaan ng matinding kaliwa sa kanyang tiyan.
Nakatayo pa man ay tuluyang bumulagta ang 31-anyos na dayuhang boksingero nang paulanan na siya ng kaliwat-kanang suntok ng local bet upang matapos ang laban sa 2:56 ng ikatlong round.
Ito ang ikalawang pagkakataon na naglaban ang dalawang boksingero na itinakda dahil na rin sa pagrereklamo ng kampo ni Barrera matapos lasapin ang fourth round technical knockout na kabiguan noong Agosto 28, 2010 sa nasabi ring venue.
Itinigil ni referee Tony Pesons ang laban nang lumaki ang sugat sa kaliwang eyelid ni Barrera at ibinigay ang panalo kay Bautista dahil nagdesisyon si Pesons na ang putok ay dahil sa suntok ng huli.
Pero hindi nagustuhan ito ng kampo ni Barrera na sinabing isang head butt ang dahilan ng malalim na sugat at dapat umano ay nauwi sa tabla ang laban.
Mainitan agad ang labanan dahil sumugod agad si Barrera at tumama agad sa mga pinakawalang kombinasyon.
Ngunit handa rito si Bautista at nagawang kumonekta kapag naiiwang bukas ni Barrera ang sarili.
Sa ikalawang round ay duguan na ang ilong ni Barrera dala ng malalakas na suntok na tinanggap at sa ikatlong round ay todo na ang Filipino boxer para maagang matapos ang sagupaan.
Ito ang ikaapat na sunod na laban ni Bautista na nauwi sa knockout na panalo matapos lumasap ng ikalawang kabiguan sa boxing career sa kamay ni Heriberto Ruiz noong 2008.,
Sa kabuuan ay may 30 panalo sa 32 laban bukod pa sa 23 KO karta si Bautista na nais na makasukatan uli si Daniel Ponce De Leon ng Mexico.