MANILA, Philippines – Magandang panimula sa 2011 tennis season ang ginawa ni Jeson Patrombon nang kunin nito ang 6-4,7-5, panalo laban kay Ryota Kishi ng Japan sa pagsisimula ng Loy Yang Traralgon International sa Australia.
Naantala ang pagsisimula ng laro sa Grade I event dala ng ilan araw na pagbuhos ng malakas na ulan kaya medyo nangapa ng kaunti si Patrombon sa kanyang laro pero sapat pa rin ang ipinakita upang makaabante sa second round.
Seeded No. 8 sa kompetisyon, si Patrombon na ranked No. 12 na sa juniors division sa mundo, ay sunod na makakaharap si Yaraslau Shyla ng Belarus.
Umabante si Shyla sa pamamagitan ng 6-4, 7-5, panalo kay US qualifier Mac Styslinger.
Lalahok din si Patrombon sa doubles at kapareha niya uli si Jaden Grinter ng New Zealand at unang aksyon nila ay kontra kina Adam Pavlasek at Lukas Vrnak sa unang round.
Ang pagsali ni Patrombon sa kompetisyong ito ay bahagi ng kanyang paghahanda para sa Australia Open Juniors na ilalarga sa Enero 23 hanggang 29.