Bautista ipapakita ang porma

MANILA, Philippines –  Ipakikita ni Rey “Boom Boom” Bautista ang kanyang por­ma sa gagawing public sparring sa Piaza Park Mall sa Cebu sa Sabado (Enero 8).

Ang kaganapan na isasagawa ng ALA Promotions at ABS-CBN ay kabilang sa paghahanda ni Bautista sa pagharap uli laban kay Alejandro Barrera ng Mexico sa Enero 29 sa Cebu City Waterfront Hotel and Casino.

Makakasama nga ni Bautista sa public sparring ay sina Jason Pagara at Roli Gasca na pawang mga alaga rin ng Aldeguer boxing stable.

Unang laban ito ni Bautista sa 2011 at masidhi ang hangarin nitong talunin si Barrera sa harap ng kanyang kababayan. Nagkaharap na ang dalawa noong Agosto 28 sa nasabi ring palaruan sa Cebu at nanalo si Bautista sa pamamagitan ng kontrobersyal na fourth round technical knockout.

Ibinigay kay Bautista ang panalo ni referee Tony Pe­sons matapos maputukan sa kaliwang eyelid ang 31-an­yos na Mexican boxer. Idineklara ng referee na ang putok ay nangyari dahil sa isang suntok ni Bautista bagay na pinabulaanan ng kampo ng Mexicano.

Matapos ang labang ito ay nagpahinga na si Baustista habang si Barrera ay sumabak pa sa isang laban at masasabing ibinuhos niya ang ngitngit ng kabiguan sa Filipino boxer nang kunin ang fifth round KO noong Oktubre 22 sa Mexico.

Humirit ng tatlong KO panalo sa tatlong laban na ginawa sa huling dalawang taon, nais ni Bautista na ma­ngibabaw uli kay Barrera upang tumibay pa ang asam na mapalaban pa sa lehitimong world title.

 May 29 panalo sa 31 laban kasama ang 22 KO, ang 24-anyos na si Bautista ay isang beses pa lamang nasalang sa world title fight at lumasap ito ng 1st round KO pagkatalo kay Daniel Ponce De Leon para sa hawak nitong WBO super bantamweight title noong Agosto 11, 2007.

 Sa kasalukuyan si Bautista ay kinikilala bilang WBC interim champion sa featherweight division at umaasa siya na ang makukuhang panalo kay Barrera sa nasabing laban ay magpapasok sa kanya sa rankings ng prestihiyosong boxing body. 

Show comments