MANILA, Philippines – Ipinagyabang kahapon ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco, Jr., na kayang kunin ng mga Filipino athletes ang overall championship ng 26th Southeast Asian Games sa Palembang, Indonesia.
Ito ay sa kabila ng pagkakahulog ng Team Philippines sa fifth place sa overall standings ng 2009 SEA Games sa Laos mula sa nakolektang 38 gold, 35 silver at 51 bronze medals.
Nasa itaas ng bansa ang nagkampeong Thailand (86-83-97), Vietnam (83-75-57), Indonesia (43-53-74) at Malaysia (40-40-59).
“We’re looking at first place,” sabi ni Cojuangco sa lingguhang “Usapang PSC at POC” sa DZSR Sports Radio. “Why not. If everything is put in place. It will be hard naturally, pero kanya-kanyang bakbakan naman ‘yan eh.”
Noong 2005 lamang tinanghal na overall champion ang mga Pinoy nang pangasiwaan ang nasabing biennial event mula sa nakolektang 113 gold, 84 silver at 94 bronze medals.
Matapos ito, nag-uwi naman ang bansa ng 41 gold, 91 silver at 96 bronze medals sa Nakhon Ratchasima, Thailand noong 2007 para tumapos bilang sixth-placer sa ilalim ng Thailand (182-123-101), Malaysia (68-52-96), Vietnam (64-58-82), Indonesia (56-64-82) at Singapore (43-43-41).
“Maganda ‘yung magpadehado ka pero sa huli gugulatin mo ang mga kalaban,” wika ng POC chief. “Siyempre, ang maglalaban-laban diyan ay Thailand at Indonesia. Gumagawa na ng mga hakbang ‘yan.”
Ang tinutukoy ni Cojuangco ay ang inaasahang pagdadagdag at pagbabawas ng Indonesia ng mga sports events para sa 2011 SEA Games na nakatakda sa Nobyembre 11.