Pacquiao, Roach kinilala ng USA Today

MANILA, Philippines - Kinilala ng USA Today ang mga nagawa nina Manny Pacquiao at Freddie Roach sa mundo ng professional boxing sa 2010 upang parangalan bilang kanilang Fighter at Trainer of the Year.

Sa panulat ni Bob Velin, kinilala nito ang katotohanang marami ang lumabas na mahuhusay na boksingero at trainer sa taong ito at patunay dito ay ang mga maiinit na sagupaang napanood sa mga nagdaang buwan.

Pero hindi maitatatwa na lumutang ang husay ng kauna-unahang 8-division world champion na si Pacquiao at Roach para ipagkaloob ang dalawang mahalagang parangal.

Mahigpit na karibal ni Pacman si Sergio Martinez na siyang kinilala ng ibang boxing camps matapos nga ang matitinding panalo na inukit sa mga di pipitsu­ging sina Kelly Pavlik noong Abril at Paul Williams noong Nobyembre.

Pero pinuntos ni Velin na hindi nahirapan si Martinez na makapaghanda sa nasabing mga laban dahil ito lamang ang kanyang pinagtuunan sa taon di tulad ni Pacquiao na may laban ding ginawa nang lumahok at nanalo sa pambansang halalan.

“Pacquiao was elected to congress in his native Philippines in May, and amid endless distractions, the world’s top pound for pound fighter fought twice at Cowboys Stadium before close to 100,000 fans,” wika nito.

Bagamat mas malalaki sina Joshua Clottey at Antonio Margarito ay dominadong dominado ni Pacquiao ang laban sa kinuhang unanimous decision. Ang panalo nga kay Margarito ang naghatid sa kanya ng WBC light middleweight title na kanyang ikawalo world titles sa magkakaibang dibisyon.

“For excelling while serving his people on two continent. Pacquiao is USA Today’s Fighter of the Year,” dagdag pa ni Velin.

Karibal din ni Roach ang trainer ni Martinez na si Gabriel Sarmiento pero ang pagkakaroon ng maraming hinahawakang boksingero na nanalo rin ang ikinaangat nito sa kalaban.

“Roach is the busiest and best trainer in the world and has raised the qua­lity of every fighter he’s handles, from Pacquiao to (Amir) Khan to Julio Cesar Chavez Jr. to Vanes Martirosyan and Jose Benavidez to cruiserweight brute Lateef Kayode. And all this while battling the devastating effects of Parkinson’s disease,” paliwanag pa nito.

Ito ang ikalawang Trainer of the Year na nakuha ni Roach matapos kilalanin din ng SecondsOut.com.

Ang laban sa pagitan ni Khan at Marcos Maidana noong Disyembre 11 para sa light welterweight ng una na kanyang napanatili ang Fight of the Year habang ang knockout win ni Martinez kay Williams ang KO of the Year ng USA Today.

Show comments