MANILA, Philippines - Ang dominanteng pagkapanalo ni Manny Pacquiao kay Antonio Margarito para maibulsa ang ikawalong world title ang siyang pinakamalaking balita na bumandera sa mundo ng palakasan sa taong 2010.
Inasahang makakapagbigay ng magandang laban ang mas malaking si Margarito, pinatahimik ang Mexican fighter ng mga malulutong na suntok ni Pacman tungo sa unanimous decision na tagumpay noong Nobyembre 13 sa Cowboy’s Stadium sa Arlington, Texas.
Ito ang ikalawang panalo sa taong ito ng Pambansang kamao matapos daigin si Joshua Clottey sa isa ring unanimous decision noong Marso. Pero makasaysayan ang panalo kay Margarito dahil nasungkit din ni Pacquiao ang bakanteng WBC light middleweight title.
Ang pagkapasok ng national football team na tinaguriang Azkal sa semifinals ng AFF Suzuki Cup ang isa rin sa malaking balita na bumulaga sa taong ito.
Tinalo nga ng koponan ang nagdedepensang kampeon na Vietnam, 2-0, bago tumabla sa Myanmar at Singapore upang marating ang semifinals sa unang pagkakataon sa 14 na taong pagsali sa nasabing kompetisyon.
Dahil sa pangyayari, nalagay ang national booters bilang isa sa top 10 stories ng Sports Illustrated dahil ang panalo ang pinakamalaking upset sa kasaysayan ng Suzuki Cup.
Ang pagkakaluklok ni Francisco “Django” Bustamante bilang World Pool Association (WPA) number one player ng taon ang isa pang nagpakinang sa palakasan ng bansa.
Nakuha ito ng 46-anyos na si Bustamante nang manalo sa World 9-ball championship sa Doha, Qatar noong Hulyo matapos hiritan ng 13-7 panalo si Kuo Po-cheng ng Chinese Taipei.
Sina Rey Saludar, Dennis Orcollo at Engelberto “Biboy” Rivera ay kuminang sa Asian Games sa Guangzhou, China nang manalo ng ginto upang mabigyan ningning ang sana’y masamang kampanya ng Pambansang delegasyon.
Si Saludar nga ang lumabas na pinakamasaya dahil nakakuha siya ng P4 milyong insentibo sa tagumpay sa kada apat na taong torneo.
Bago naman ang ginto sa Asian Games, nanalo muna ng bronze medal si Rivera sa World Bowling Cup para maipakita na tunay na siyang maaasahan ng bansa sa larong ito.
Gumawa rin ng kasaysayan ang women’s basketball team nang talunin ang Thailand at makopo ang kauna-unahang SEABA Women’s Basketball title na ginanap sa Ninoy Aquino Stadium.
Ang mga under-18 young men’s team sa patnubay ni Eric Altamirano ay nagkampeon din sa SEABA na ginanap naman sa Myanmar.
Hindi rin nagpahuli ang Philippine Patriots nang hiranging kampeon sa kauna-unahang ASEAN Basketball League (ABL) matapos walisin ang best- of-five title series nila ng Satria Muda BritAma ng Indonesia.
Pinatunayan din uli ni Lily Pecante na isa siya sa pinakamahusay sa powerlifting sa mundo matapos manalo ng ginto sa World Masters Benchpress Championships sa Orlando noong Abril at umani rin ng apat na ginto sa Asian Championships sa Mongolia noong Mayo.
Dahil sa apat na gintong napanalunan, lumabas si Pecante bilang Best Lifter sa women’s Master I.
May mga masamang balita rin ang nakisalo sa taong ito at kasama rito ang pagkakahubad ng mga world titles sa boxing nina Rodel Mayol at Brian Viloria.
Naging kontrobersyal din ang national dragon boat teams nang matapos maipasa ang time trials ay hindi pa rin naisama sa Asian Games ng Philippine Olympic Committee.
Inaasahang hahakot ang koponan ng medalya lalo nga’t ang men’s team ang kasalukuyang world champion at record holder sa 200m distance.
Tampok naman na masamang balita ay ang di pagpasok ng Gilas national team sa semifinals sa Guangzhou Games.
Kahit pinondohan ng husto at nagsanay ng halos isa’t kalahating taon, ang koponang hawak ni Serbian coach Rajko Toroman ay tumapos lamang sa ikaanim na puwesto sa Asiad na huling nangyari noon pang 1966 edisyon sa Bangkok, Thailand.