MANILA, Philippines – Siyam na araw bago ang Pasko ay natanggap na ng mga national athletes at coaches ang maaga nilang ‘aguinaldo’ mula sa Philippine Sports Commission (PSC).
Ipinamahagi na kahapon ni PSC chairman Richie Garcia sa 578 national athletes at 138 national coaches ang kanilang Christmas bonus na nagkakahalaga ng P3,000.
Kabuuang P2.148 milyon ang inilabas ng sports commission para sa ‘aguinaldo’ sa mga athletes at coaches.
Ang P1.734 milyon sa naturang pondo ay para sa mga athletes, samantalang ang P414,000 ay para sa mga coaches. Ito ay idinaan ng PSC sa pamamagitan ng automated teller machine (ATM) accounts.
“Our athletes deserve more than this. They have represented our country well,” wika ni Garcia.
Bago ito, ibinigay ng PSC ang cash incentives sa mga national athletes na nag-uwi ng 3 gold, 6 silver at 9 bronze medals sa nakaraang 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Kasama rin dito ang insentibo para sa kani-kanilang mga coaches.
Umabot sa P9.5 milyon ang iniluwal ng komisyon para sa naturang cash incentives kung saan ang P6.4 milyon ay napunta sa mga athletes at ang P3.1 milyon ay tinanggap ng mga coaches mula sa Philippine Gaming Corp. (PAGCOR).
Sina boxer Rey Saludar, bowler Biboy Rivera at cue artist Dennis Orcollo ay tumanggap ng tig-P1 milyon para sa naiuwi nilang tatlong gintong medalya mula sa 2010 Guangzhou Asiad noong Nobyembre.
Ang silver at bronze medal sa Asian Games ay nagkakahalaga ng P500,000 at P100,000, ayon sa pagkakasunod.