MANILA, Philippines – Nagkaroon pa ng bangis ang Philippine Patriots nang makuha nila ang suporta ng AirAsia sa ginagawang kampanya sa ikalawang taon ng ASEAN Basketball League (ABL).
Pumasok na ang AirAsia bilang isa sa mga susuporta sa Patriots na nagtatangkang gumawa ng kasaysayan sa ligang suportado rin ng nasabing airline sa paghagip ng ikalawang sunod na kampeonato sa anim na bansang torneo.
Pormal na pinagtibay ang pagsasama ng AirAsia at Patriots kahapon sa seremonyang ginanap sa Hotel Intercontinental sa Makati City.
Mismong si AirAsia Group CEO Tony Fernandes ang lumipad mula sa Malaysia upang personal na lagdaan ang kasunduan kasama ng mga team owners ng Patriots na sina Dr. Mikee Romero ng Harbour Centre at businessman Tony Boy Cojuangco.
“Our partnership with the Patriots provides us with the opportunity to share in our guests’ passion and communicate our brand message in meaningfull but less intrusive way,” wika ni Fernandes.
Tatlong taon ang itatagal ng pagsasama ng dalawang grupo at ang AirAsia ay magkakaroon ng pagkakataon na magamit ang mga Patriots upang maipakita ang magandang imahe ng nasabing airline.
“It will provide us with a platform to connect and build a closer relationship with our guest in places and situations which they are most comfortable in,” dagdag pa ni Fernandes.
Ikinatuwa rin nina Cojuangco at Romero ang pagtatambal dahil ang AirAsia ay isa sa sumisibol sa larangan ng airline industry habang ang Patriots ay nakitaan na ng husay nang dominahin ang Season I ng ABL.
Hinamon naman ni Romero ang Patriots na ipakitang karapat-dapat sila sa pagtitiwala ng AirAsia sa pamamagitan ng pagsungkit ng titulo.
Ang buong kasapi ng Patriots sa pangunguna ni coach Louie Alas ay dumalo rin at mainit na tinugunan ng pagsang-ayon ang hangarin ni Romero na makuha ang titulong pinaglalabanan sa taong ito.