MANILA, Philippines - Dalawang pilak at isang tanso na ang nakukuha ng koponang inilalaban sa 2010 ASIAN Para Games sa Guangzhou China.
Ang beteranong runner na si Isidro Vildosola at ang powerlifter na si Achelle Guion ang mga umani ng pilak na medalya upang isama sa bronze medal ni swimmer Daniel Damaso Jr.
Si Vildosola na edad 34 at beterano na ng malalaking marathon events sa bansa ay tumakbo sa men’s 1,500m T46 at naorasan ng apat na minuto at 21.33 segundo upang tumapos sa ikalawang puwesto kay ASL Abbas Dayani ng Iran na may bilis na 4:17.93.
Si Guion naman ay lumaban sa -44 kilogram division at ang 39-anyos na beteranong lifter ay nakabuhat ng 70 kilos sa ikalawang attempt gamit ang body weight na 43.04 kilograms.
Tinangka niyang itaas ang nasabing marka sa 75 kilos sa ikatlo at huling attempt pero nabigo siya upang malagay sa ikalawang puwesto sa dibisyong pinagharian ni Zhe Cui ng China na gumawa ng 95 kilos.
Unang medalist ng bansa ay si Damaso na kumuha ng bronze medal sa larangan ng men’s 400m at 100m freestyle sa S12 kategorya sa mga tiyempo na 5:39.09 at 1:11.38 ayon sa pagkakasunod.
Naunang sinabi ng pamunuan ng Philspada president Mike Barredo ang kakayahan ng bansa na makapaghatid ng limang gintong medalya sa kompetisyon.
Sa pagkakaroon ng dalawang pilak at isang tansong medalya, ang Pilipinas ngayon ay nasa ika-14 puwesto sa medal tally na pinangungunahan din ng China sa 71 ginto, 37 pilak at 35 bronze medals.
Ang Iran ang nasa ikalawang puwesto sa 14-10-8 habang ang Japan ang nasa ikatlong puwesto sa 13-22-15.
Nangunguna naman sa hanay ng mga Southeast Asian countries ang Thailand na nasa 4th place sa 7-17-17 habang ang Malaysia (4-6-15), at Vietnam (1-2-4) ang mga nakauna sa Pilipinas na nasa 6th at 12th places.