MANILA, Philippines - Sa gitna ng pagkakaroon ng komplikasyon sa puwestuhan sa quarterfinal round, nakatakda namang iparada ng Bolts sina Reed Juntilla at Mark Isip ng Energy Boosters.
Tuluyan nang naplantsa ang isang five-player trade sa pagitan ng Meralco at talsik nang Barako Bull matapos payagan ni PBA Commissioner Atty. Chito Salud.
Nakuha ng Bolts sina Juntilla at Isip kasabay ng pagdadala kina Marlou Aquino, Khazim Mirza at Pong Escobal sa Energy Boosters.
Ang pagbandera kina Juntilla at Isip ang inaasahang magpapalakas sa kampanya ng Meralco sa pakikipagtagpo sa Rain or Shine ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Alaska at sibak nang Powerade sa alas-5 ng hapon sa elimination round ng 2010-2011 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Ang panalo ng Bolts sa Elasto Painters ang posibleng magtaas sa kanila sa No. 5 spot sa quarterfinals kung saan kinuha ng Tropang Texters at Beermen ang No. 1 at No. 2 seats, ayon sa pagkakasunod, bitbit ang ‘twice-to-beat’ incentive.
Makakatuwang nina Asi Taulava, Mac Cardona, Bitoy Omolon at Gabby Espinas sina Juntilla at Isip.
Magkasalo sa liderato ang Talk ‘N Text at San Miguel mula sa magkatulad nilang 11-3 rekord kasunod ang Barangay Ginebra (10-4), nagdedepensang Derby Ace (7-7), Alaska (6-7), Meralco (6-7), Air21 (6-8), Rain or Shine (5-8) at mga sibak nang Powerade (3-10) at Barako Bull (3-11).
Ang Tropang Texters ang haharap sa No. 8 team, habang ang Beermen ang sasagupa sa No. 7 squad sa quarters kung saan isang panalo lamang ang kailangan nila para makapasok sa best-of-seven semifinals series.
Ang No. 3 Gin Kings at No. 4 Llamados ang haharap sa No. 6 at No. 5 teams, ayon sa pagkakasunod, sa isang best-of-three quarterfinals series.