MANILA, Philippines – Naisakatuparan uli ng 34th National Milo Marathon ang kanilang adhikaing bigyan ng pagkakataon ang ibang mahihilig na tumakbo na maipakita ang angking husay.
Isa sa mananakbong nabigyan ng ganitong pagkakataon ay ang 21-anyos na tubong Cebu na si Mary Joy Tabal na nangyari sa National Finals nitong Linggo sa Quirino Grandstand.
Si Tabal na nakatakdang magtapos ng pag-aaral sa Southwestern University sa kursong BS Commerce major in Management and Accounting, ay pumangatlo sa hanay ng mga kababaihan na tumakbo sa 42.195 kilometer race.
Makasaysayan para sa batang runner ang naitalang pagtatapos dahil unang pagkakataon lamang niyang sumali sa full marathon.
Isang sprinter at nanalo ng bronze medal sa idinaos na Ched National Games sa Rizal Memorial Track Oval sa larangan ng 400m run, natukso si Tabal na sumali sa 21K at kinalaunan ay sa full marathon nang magtala ito ng mga mabibilis na tiyempo sa sprint events.
Napasok siya sa Finals nang mapangunahan ang 21K regional elimination sa Cebu nang kanyang talunin ang dating kampeon na si Madelyn Carter.
Ito ang nagsilbing tiket ni Tabal upang makasali sa National Finals at naipakita naman niya na karapat-dapat siya sa kompetisyon dahil pumangatlo siya kasunod ng nagkampeong si Flordeliza Donos ang Kenyan runner Susan Jemutai sa bilis na tatlong oras, 8 minuto at 38 segundo.
Muntik niyang maalpasan pa si Jemutai kung hindi lamang ito kinapos sa rematehan nila sa huling 50 metro ng karera. Si Jemutai ay naorasan ng 3:07:52.
“Ang goal ko lamang ay subukan ang sarili ko kung hanggang saan ako aabot sa full marathon dahil unang takbo ko sa ganitong kahabang distansya. Kaya hindi ko talaga inaasahan na tatapos sa ikatlong puwesto,” pahayag ni Tabal.
Ang tinamasang tagumpay na ito ni Tabal ay hindi sana nangyari kung hindi siya nagpursigi na ipagpatuloy ang kanyang athletic career.
Ang mga magulang nito ay hindi sang-ayon na siya ay malulong sa pagtakbo dahil sa pinaniniwalaang walang mangyayari sa kanya sa pagpasok sa sport na ito. Ngunit sa pagtitiis ni Tabal ay naabot na niya ang kaunting tagumpay na tinatamasa na niya ngayon.