PGC, PSA Cup itinakda sa Linggo

MANILA, Philippines - Tatlong stakes races ang pakaka­wa­lan sa Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Ito ay ang Presidential Gold Cup na magtatampok sa Go Army at pito pang rated gallopers sa 2000-meter event na naglalatag ng P1.5 million sa mananalo.

Ang dalawa pang stakes races ay ang Philracom Juvenile grand championship at ang PSA (Philippine Sportswriters Association) Cup 2 sa nasabing 13-race program.

Ang Go Army ni businessman-sportsman Hermie Esguerra ay nagmula sa pa­nalo sa MARHO Classic at inaasahang uungusan sina Ibarra, Heaven Sent, Lively Dude, Native Land, Shining Fame, Yes Pogi at Rightthrererightnow sa 38th staging ng Gold Cup.

Ito ang unang pagkakataon na ang Go Army, hindi pa natatalo bilang isang ju­­venile, at ang Triple Crown standouts Ibarra at Yes Pogi ay magtatapat sa isang karera.

Pamumunuan naman nina Barkley at Ar­vindugo ang labanan para sa P1.5M first prize sa juvenile championship sa1600 me­ters, habang ang mga 3-year-olds ay tatakbo sa PSA Cup 2.

Ang mga runners sa PSA race ay mala­laman ngayong gabi.

Pinasalamatan naman ni PSA president Teddyvic Melendres si Philracom chairman Jose Ferdinand Rojas II para maging bahagi ang asosasyon sa horse racing.

“On behalf of our members, I am thanking the Philracom board for extending a helping hand and obliging to be our partner again as we hold our second event for the year,” ani Melendres.

Show comments