MANILA, Philippines - Makikilatis kung ano ang kayang ibigay ng bagong import na si Steve Thomas sa pagsabak niya sa aksyon sa pagpapatuloy ngayon ng AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) Season 2 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Makikipagtuos uli ang Patriots sa Westports KL Dragons sa ganap na alas-4 ng hapon at pakay nilang mabalikan ang koponang nagpalasap ng 81-96 kabiguan sa unang pagkikita sa MABA Gym sa Malaysia.
Ang kabiguang ito ay isa sa tatlong dikit na pagkatalo ng tropang pag-aari nina Mikee Romero at Tony Boy Cojuangco upang makita ang sarili na magkasalo sa Dragons sa ikalawa at ikatlong puwesto sa 6-4 karta.
Habang sumasadsad ang Patriots, umaangat naman ang Dragons na nanalo ng anim sa pitong huling laro para makaahon buhat sa 0-3 panimula.
Ngunit malaki ang tsansa ng Patriots na mapigil ang pagtatalo na kinatampukan din ng 68-69 pagyuko sa Chang Thailand Slammers sa homecourt noong Nobyembre 20.
“He told me that he will do everything that I would ask from him. He is also determined to help the team because he practiced right away upon his arrival,” wika ni coach Louie Alas na babalik din sa pagmamando sa koponan matapos lumiban ng dalawang laro sanhi ng pagkakaroon ng trangkaso.
Mahalaga ang malagay sa unang dalawang puwesto matapos ang triple round elimination dahil magtataglay ang mga koponan ng homecourt advantage sa cross-over semifinals na lalaruin sa isang best of three series.