MANILA, Philippines - Kagaya ng kanyang ipinangako, tinalo ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. si Ukranian fighter Wladimiro Sidorenko via fourth-round KO para sa bakanteng World Boxing Council (WBC) Continental Americas bantamweight crown kahapon sa Honda Center sa Anaheim, California.
Ito ang unang pagkakataon na napabagsak ang 34-anyos na si Sidorenko sa kanyang 23 laban matapos itigil ni referee Marcos Rosales sa 1:48 ng fourth round matapos tamaan ng 28-anyos na si Donaire ng isang left-right combination.
“Sidorenko is a very, very tough guy,” pagpuri ni Donaire kay Sidorenko, dating WBA bantamweight champion. “In the first round he was already out. I know that I hurt him.”
Sa opening round, isang left cross na sinundan ng right straight ang ibinigay ni Donaire, may 25-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 17 KO’s, kay Sidorenko (22-3-2, 7 KO’s) na nagpabagsak rito kasunod ang pagbilang ni Rosales ng isang mandatory eight-count.
Nagpalit naman si Donaire, napasakamay rin ang World Boxing Association (WBA) interim bantamweight belt, ng porma sa southpaw stance sa dulo ng second round kung saan siya nakakonekta ng left-right flurry na muling nagpabagsak kay Sidorenko.
Isang left cross ang pinatama ng tubong Talibon, Bohol sa kanang panga ni Sidorenko sa third round para sa kanyang ikatlong knockdown.
Ang panalo kay Sidorenko ang magtatakda sa paghahamon ni Donaire kay World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) bantamweight king Fernando “Cochulito” Montiel (43-2-2, 33 KOs) ng Mexico sa Pebrero 19, 2011.
Si Donaire ay nagkampeon sa flyweight class ng International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) nang patulugin ang dating haring si Vic Darchinyan via fifth-round KO noong Hulyo ng 2007.
Nakatakda namang labanan ni Montiel ang kababayang si Eduardo Garcia sa isang 10-round, non-title fight sa Mexico sa susunod na Linggo.
Nauna nang ipinangako ni Bob Arum ng Top Rank Promotions kay Donaire ang kanyang laban kay Montiel sakaling talunin nito si Sidorenko.