MANILA, Philippines – Hindi malayong maglaro uli ng isang import ang Philippine Patriots sa pagdayo nila sa Indonesia para kaharapin ang Satria Muda BritAma sa Sabado.
Pinaalis na ng pamunuan ng nagdedepensang kampeon sa AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) si 6’10 import Donald Little dahil sa kanyang di magandang pag-uugali.
May ilang insidente na nakakaaway niya mismo ang mga kakampi, si Little ay tuluyang pinauwi na matapos ang malamyang paglalaro sa nalasap na 81-96 kabiguan ng Patriots sa Westports KL Dragons sa Malaysia nitong Linggo.
May anim na puntos lamang sa first half si Little at nilamon siya ng mga imports ng Dragons upang makalayo agad ang host team tungo sa pagpapalasap sa tropang pag-aari nina Mikee Romero at Tony Boy Cojuangco ng kanilang ikalawang sunod na kabiguan at 6-3 kabuuang karta.
Sinisikap ni team manager Erick Arejola na makahanap agad ng maipangpapalit kay Little pero kung hindi ay handang maglaro ang koponan gamit ang serbisyo lamang ng 6’3 na si Rashiem Wright.
Si Wright ay dumating sa koponan kapalit naman ni Anthony Johnson na may inindang hamstring injury.