MANILA, Philippines - Katulad ng dapat asahan, mainit na sinalubong ng kanyang mga kababayan sa General Santos City si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao kahapon.
Si Pacquiao, lulan ng Philippine Airlines flight mula sa Maynila, ay sinamahan ng kanyang asawang si Jinkee at inang si Mommy Dionisia.
Matapos sa General Santos City kung saan siya lumaki, dumiretso naman si Pacquiao sa Sarangani Province kung saan isang special celebration ang inihanda para sa kanya.
Si Jinkee ay tubong Sarangani.
“Masayang-masaya ako sa aking pag-uwi,” sambit ni Pacquiao.
Ang 31-anyos na Sarangani Congressman ay sinalubong ni General Santos City Mayor Darlene Antonino Custodio, tumalo sa kanya para sa congressional race ng South Cotabato District noong 2007.
Sumakay si Pacquiao sa isang float para sa motorcade kasama si Mommy Dionisia at Custodio.
Samantala, handa si Sergio Martinez ng Argentina na bumaba ng timbang para lamang makasagupa si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Ang 5-foot-10 na si Martinez ang kasalukuyang World Boxing Council (WBC) middleweight titlist at nagbabandera ng 46-2-2 win-loss-draw ring record kasama ang 25 KOs.
Kagaya ng 5’11 na si Antonio Margarito ng Mexico, handa rin si Martinez na labanan ang 5’6 1/2 na si Pacquiao sa catchweight na 150 pounds.
“If Manny is willing to defend his WBC super welterweight title, I would come down to 154 pounds to challenge him for it as well as allow him to challenge me for my WBC middleweight title,” ani Martinez kahapon.