MANILA, Philippines - Binuksan ni Jeson Patrombon ang kampanya sa 24th Yucatan World Cup sa Meridan, Mexico mula sa isang panalo.
Tinalo ni Patrombon si Juan Carlos De Pedro ng Mexico, 6-1, 6-2, sa round of 64.
No. 6 sa torneo, si Patrombon na ranked 30 sa International Tennis Federation (ITF), ay umabante sa round of 32 kontra sa mananalo sa pagitan nina Arturo Pacheco ng Costa Rica at Matias Sborowitz ng Chile.
Isang grade I event, ang mga bigating junior players sa mundo ay nagpatala sa kompetisyon sa pangunguna ni Juan Sebastian Gomez ng Colombia na siyang number player ng mundo.
Hanap ng 17-anyos na si Patrombon na mahigitan ang pagkapasok sa semifinals sa Asian/Oceania Closed Championship sa Jejudo, South Korea.
Lalahok rin si Patrombon sa doubles event para mapag-ibayo ang kanyang rankings bago matapos ang taong 2010.