MANILA, Philippines - Tiyak na hindi mabobokya ang national boxing team kung paghahatid ng medalya sa 16th Asian Games ang pag-uusapan.
Tiniyak ito ni Rey Saludar nang kunin ang referee stopped contest (RSC) sa1:45 sa first round laban kay Puran Rai ng Nepal sa kanilang quarterfinal match sa 52 kilogram division.
Nakapasok si Saludar sa semifinals at makakatapat si Katsukai Susa ng Japan na nanalo via RSC sa 2:52 sa second round laban kay Chinese-Taipei bet Lin Yu Che.
Ang nakababatang kapatid ni Saludar na si Victorio at sina Wilfredo Lopez at lady boxer Annie Albania ay nagsipagwagi rin at isang panalo pa ang kailangan para makapasok sa medal round.
Si Victorio na hinirang bilang best boxer sa Tammer Cup sa Finland ay nangibabaw kay Zarip Jumayev ng Turkmenistan, 12-3, sa 46-49 kilograms; si Lopez ay may 12-5 panalo kay Arshad Hussain ng Pakistan sa 69 kg., habang may 9-2 panalo si Albania kay Zhaina Shekerbekova ng Kazakhstan sa 48-51kg. division.
Ang mga panalong ito ng boxing team ang siyang nagpasigla sa matamlay na kampanya ng delegasyon na walang nakuhang medalya sa aksyon kahapon.
Minalas si Margarito Angana nang ma-injured sa kanyang laban kontra kay Mohammad Alsaedi ng Iraq sa 55kg. class ng Greco Roman.
Ang bowlers na siyang nakapaghatid ng unang ginto sa katauhan ni Engelberto “Biboy” Rivera ay nangangapa sa kanilang porma at ang men’s team of five ay tumapos lamang sa ika-12 puwesto sa 2994 pins o 361 pins na naghahabol sa nangungunang Malaysia (3355) matapos ang first block.
Kumampanya rin si SEA Games gold medalist Arniel Ferrera sa hammer throw pero hindi siya inaasahang makakapaghatid ng medalya laban sa mga bigatin sa rehiyon.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay nakapako pa rin sa 2 gold, 2 silver at 8 bronze medals upang malagay sa ika-15th puwesto sa 31 bansang nanalo na ng medalya.
Ang China ay lumayo sa 143 gold, 68 silver at 69 bronze medals kasunod ang South Korea (53-44-60) at Japan (30-53-58).
Ang Thailand ang pinakamahusay na bansa sa Southeast Asia sa kinuhang 7 ginto, 7 pilak at 14 tansong medalya para sa ikaanim na puwesto.