MANILA, Philippines - Ikalawang sunod na panalo sa koponan ng Thailand Slammers ang sinisipat ng Philippine Patriots sa pagpapatuloy ng AirAsia ASEAN Basketball League Season 2 ngayong gabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang laro ay itinakda ganap na alas-8 ng gabi at kung papalarin uli ang host Patriots ay mapapanatili nila ang kapit sa liderato sa anim na bansang liga.
Di tulad sa unang pagtutuos na kinuha ng Patriots, 54-48, sa Bangkok, ang nagdedepensang koponan ay magpaparada ng dalawang imports dahil lalaro pa rin si Rashiem Wright upang makatambal si Donald Little.
Si Wright ay nagtala ng 22 puntos sa kinuhang 87-85 double overtime panalo sa Singapore Slingers noong nakaraang Sabado sa Singapore pero hindi nito natapos ang laro dala ng hamstring injury.
“Puwede siyang maglaro pero hindi naman dapat na nakababad siya. Mabigat na laban ito dahil gustong bumawi ng Thailand pero kung magtutulungan uli ang mga locals ay maganda ang ilalaban natin,” wika ni coach Louie Alas.
Buo rin ang puwersa ng Slammers na sasabak sa aksyon at maghahangad na talunin ang Patriots para makasalo sila sa liderato.
Si Jason Dixon na hiniya ni Little sa unang pagtutuos, ang mangunguna sa koponan. Ang 6’10 na si Dixon ang siyang import ng Patriots ng nagkampeon ito noong nakaraang taon at tiyak na gagawin niya ang lahat upang maipakita na kaya din niyang bitbitin ang Thailand sa taong ito.