MANILA, Philippines - Ibinigay ni two-time Olympian Tsomlee Go ang lahat ng makakaya pero hindi sapat ito sa sinuwerteng si Lee Dae Hoon ng Korea upang makapaghatid lamang ang Filipino jin ng bronze medal sa isinasagawang kampanya ng bansa sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Minalas na tinamaan si Go ng sipa mula sa 18-anyos na katunggali sa extention para lasapin ang 5-4 kabiguan sa semifinals ng men’s under 63-kilogram division.
“Hindi ko inasahan na iiskor siya pero dahil tumama sa vest at kahit di umilaw ay awtomatikong puntos ito,” wika ng 29- anyos na si Go na noong 2006 sa Doha ay nagbigay ng pilak na medalya.
Sumabak sa dalawang mahihirap na laban kontra kina Reza Naderian ng Iran at Khusray Giyosov ng Tajikistan na kanyang tinalo sa 9-7 at 11-3 iskor, nalaglag si Go sa 0-2 iskor matapos ang unang dalawang round.
Pero isang sipa sa ulo ng kalaban ay nagbigay ng 3-2 kalamangan ngunit hindi nakaiwas si Go sa mga palitan ng sipa upang matapos ang tatlong round sa 4-4 iskor.
Ang jin na makaunang makaiskor sa extension ang siyang hihiranging panalo at minalas na nakauna ang Koreano para makaabante ito sa finals.
Masaya naman ako sa bronze medal dahil ito ang ibinigay sa akin ng Diyos at sobrang bless pa rin ako,” dagdag pa nito.
Ito ang unang medalya ng taekwondo pero may tatlo pang manlalaro--sina John Paul Lizardo, Paolo Romero, at lady jin Kirstie Elaine Alora ang sasabak sa huling araw ng aksyon ngayon.
Umakyat na sa dalawang ginto, isang pilak at limang bronze medals ang Pilipinas na nasa ika-14 puwesto sa medal standings. Ang China ay patuloy ang paglayo sa 119 ginto, 48 pilak at 52 bronze medals habang ang South Korea na may 39-34-46 ang nasa ikalawa at Japan ang nasa ikatlo sa 24-48-51.
Ang Malaysia ang pinakamahusay na Southeast Asian country sa kanilang 3-3-4 medal count para sa ika-11 puwesto habang ang Indonesia, na siyang host ng 2011 Southeast Asian Games, ang pumapangalawa sa rehiyon sa 2-4-9 medal tally para sa ika-12 puwesto.
Dalawang ginto at isang pilak ang napanalunan ng Indonesia sa larangan ng dragon boat na kung saan ang mga world champions na Filipino rowers ay hindi napasali.
Sa iba pang resulta, hindi naman kinaya ni Miguel Luis Tabuena ang naunang matibay na laro nang magtala ng two-over par 74 sa ikatlong round sa apat na round sa golf.
Dahil dito, may kabuuang 6-under par 210 strokes si Tabuena para malaglag sa ikalawang puwesto kasunod ng 12-under par 204 ni Kim Meen Whee ng Korea.
Sa men’s team event, ang Pilipinas ay katabla ngayon ang Thailand sa ikalawang puwesto sa magkatulad na five over par 653 habang halos selyado na ng Korea ang gintong medalya sa 24-under par 624.
Sa tennis, nagsipanalo naman sina Fil-Am Cecil Mamiit at Treat Huey sa kanilang mga laban sa singles. Tinalo ni Mamiit si Martin Christopher Sayer ng Hong Kong, 7-5, 7-5, habang si Huey ay nangibabaw kay Kumar Adhikari ng Nepal, 6-0, 6-1.
Sa shooting, bigo rin ang men’s TRAP shooters sa puntiryang medalya at lumabas na si Jethro Dionisio ang may pinakamagandang pagtatapos sa pang-15th puwesto sa kabuuang 113 birds.