Maliban sa bilis at galaw ni Manny Pacquiao, na kay Antonio Margarito na ang lahat ng pisikal na bentahe laban sa Filipino boxer. Pero nawalang lahat ito ng saysay sa panalo ng People’s champion noong Linggo.
Ang guaranteed purse ni Pacquiao ay napabalitang $15 million pero maaari pa itong umangat sa $25 million depende sa pay-per-view buys at iba pang fight revenues.
* * *
Walang duda na matapos na durugin si Antonio Margarito sa harap nang mahigit sa 40,000 na boxing fans, sigurado tayong mananatili si Pacquiao bilang pinakamahusay na pound for pound fighter in the world.
Pero si Pacquiao ba ang pinakamahusay na poundfor pound sa kasaysayan ng boksing?
Iyan ang malaking katanungan sa lahat. Lalo na nga at napipinto ang posibilidad na isabit na ng Filipino champion ang kanyang boxing gloves tanda ng pagreretiro. Simula nang nilikha ang pound for pound title ng prestihiyosong Ring Magazine, si Pacquiao ang iilan lamang sa mga boksingero na may hawak ng titulong pound for pound nang matagal na panahon.
Nakuha ni Pacquiao ang titulo na best pound for pound fighter noong 2007.
Simula noon ay hindi na niya binitawan ito hanggang noong laban nila ni Margarito sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.
Sa panalo ng tinaguriang “Mexicutioner” sa higanteng Mexican boxer sa junior middleweight division, si Pacquiao ang unang professional boxer sa kasaysayan na nakuha ang kagila-gilalas na tagumpay na ito.
Walong dibisyon ang pinagdaanan ni Pacquiao na nagsimula ng kanyang boxing career sa edad na 16 sa flyweight division nang siya ay manalo sa kapwa Filipino boxer na si Edmund Ignacio noong 1995.
Nanatili si Pacquiao sa flyweight at dito ay nanalo siya ng mahigit sa 20 laban bago umakyat sa bantamweight division kung saan hinawakan niya ang WBC bantamweight at super bantamweight ng halos limang taon.
Noong 2004 umakyat ang Filipino boxing icon na si Pacquiao sa featherweight division at pagkatapos ay tumaas pa ito sa lightweight, welterweight at ang huli ay sa junior middleweight.
Kung sisipatin nating mabuti ang kasalukuyang pound for pound rankings na nasa website ng Ring magazine, walang sinuman sa kasalukuyang mga boksingero na nasa kasalukuyang top ten ranking ang maaaring makapagbigay ng hamon kay Pacquiao sa titulo na best pound for pound king.
Sumunod kay Pacquiao si Floyd Mayweather at pangatlo si Juan Manuel Marquez na tinalo ni Floyd Mayweather. Kinakailangan ni Marquez ng sunud-sunod na panalo upang mapalitan sina Pacquiao at Mayweather sa top post.
Medyo nasa hulihan naman ang isa pang Filipino boxer na si Nonito Donaire na naghahangad din na maging tulad ni Pacquiao. Kinakailangan niya ng mga solidong panalo upang makunsidera man lamang sa top 10 ng standings.
Ilan pa sa mga tagumpay ni Pacquiao ay ang Boxing Writers Association of America (BAWAA) Best Fighter Award, Hall of Fame recognition, Time Magazine’s Most Influential Person Award at Forbes Richest Sportsmen List. Kaya nga walang kaduda-duda na hawak pa rin ni Pacquiao ang best pound for pound top post sa susunod pang buwan o hanggang sa siya ay makapagretiro,
Kaya nga’t kahit pa magpaalam na si Pacquaio sa ring, at hindi matuloy ang inaasam sana na laban kay Mayweather, walang duda na kikilanin pa rin si Pacquiao na isa sa alamat at pinakamahusay na boksingero sa kasaysayan ng sport na ito.