MANILA, Philippines - Iinit uli ang tagisan sa 73rd UAAP season sa paglarga ng second semester events sa susunod na Sabado.
Unang sasambulat ang aksyon sa volleyball sa Nobyembre 27 sa The Arena sa San Juan City upang katampukan ang aksyon sa nalalabing walong sports disciplines na nalalabi sa kompetisyon.
Kinabukasan sa Rizal Memorial Baseball Stadium ay gagawin naman ang pagbubukas ng baseball habang sa Disyembre 1 ay raratsada ang kompetisyon sa softball sa UP softball field.
Ang iba pang aksyon at ang pagbubukas ng laro ay ang Lawn tennis at chess sa Enero 8, fencing sa Enero 9 at 10, football sa Enero 16 at ang huling event na track and field na itinakda sa Pebrero 1 hanggang 4 sa alinman sa Rizal Memorial Track Oval o sa University of Makati.
Ang closing ceremonies ay balak gawin sa Marso 12 pero maaari itong iurong depende kung matatapos sa takdang panahon ang aksyon sa volleyball.
Sa Araneta Coliseum balak gawin ang closing ceremonies dahil katatampukan pa ito ng streetdance competition sa walong paaralang kasapi ng UAAP.
Sa seremonya rin ipapaalam ang mga mahuhusay na atleta na kuminang at ang overall champion sa taong ito bukod pa sa turnover ng hosting.