MANILA, Philippines - Pinag-init nina Dennis Orcollo at Warren Kiamco ang paghahangad ng gintong medalya ng pambansang koponan sa billiards nang makaabante na sila sa semifinals sa 9-ball event sa pagpapatuloy kahapon ng 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Hindi ininda nina Orcollo at Kiamco ang pagharap sa dalawang laro upang makatiyak na rin ng bronze medals sa kompetisyon na nilalaro sa Asian Games Town gymnasium.
Ang dating World Pool Association (WPA) number one player na si Orcollo ay naunang dinomina si Masaaki Tanaka ng Japan, 9-4, sa round of 16 bago isinunod si Nguyen Phuc Long ng Vietnam, 9-8, sa quarterfinals.
Hindi naman nagpahuli si Kiamco na nasukat din sa quarterfinals na laro kontra kay Chinese bet Dang Jinhu nang makumpleto nito ang paghabol buhat sa 3-5 iskor bago natumbok ang 9-8 panalo. Bago ito ay dinurog muna ni Kiamco si Lee Chen Man ng Hong Kong, China, 9-3, sa last 16.
Sisikapin nina Orcollo at Kiamco na maging all-Filipino ang finals sa 9-ball sa pagsargo nila sa semifinals ngayon.
Kalaban ni Orcollo si Jeong Young Hwa ng Korea na sinibak sina Nitiwat Kanjanasri ng Thailand, 9-5, at Fu Jian Bo ng China, 9-6, habang si Kiamco ay mapapalaban kay dating world junior champion Ko Pin Yi na pinagpahinga sina Mohammad Baabad ng Kingdom of Saudi Arabia, 9-2, at Indonesian Ricky Yang, 9-6.
Opisyal na ibinigay ni sanshou artist Mark Eddiva ang ikaapat na bronze medal nang matalo ito kay Junyong Chang ng China para magkaroon na ng isang ginto at apat na tanso ang Pilipinas.
Pero hindi pa nadadagdagan ito habang isinusulat ang balitang ito nang mabigo ang men’s bowling team sa doubles habang ang dalawang taekwondo jins na nagbukas ng kampanya ng bansa ay umabot hanggang quarterfinals lamang.
Sina Engelberto “Biboy” Rivera at Frederick Ong na naghatid ng ginto at bronze medals sa men’s singles ay nagsanib lamang sa 2,455 sa Squad B.
Lumabas sila bilang pinakamahusay sa tatlong koponan na ipinasok ng bansa pero sapat lamang ang nagawa upang malagay sa ika-16 na puwesto sa kanilang grupo.
Ang naitala nina Rivera at Ong ay kapos ng 256 pins sa nagkamit ng ginto na sina Adrian Hsien Long at Kien Liang Liew ng Malaysia sa 2711.
Sina Samuel Thomas Morrison at Fil-Am Pauline Lopez ay kinapos naman ng isang panalo para makapag-ambag ng bronze medal sa kanilang event.
Si Morrison ay natalo kay Patiwat Thongsalup ng Thailand, 11-20, sa men’s under 74 kilogram.
Masakit naman ang pagkatalo ni Lopez dahil lumamang siya 3-0 sa unang round at 6-3 sa kalagitnaan ng second round bago lasapin ang 6-10 pagkatalo kay Dana Touran ng Jordan sa women’s under 46 kg.
Sa kawalan pa ng medalya, nalaglag pa ang Pilipinas sa dating pang-11th puwesto tungo sa ika-12 puwesto. Ang Malaysia na dating nasa ika-10 puwesto ay umangat na sa ikawalong puwesto nang manalo pa sila ng dalawang ginto tungo sa 3-3-4 medal tally.
Patuloy naman ang paglayo ng host China na mayroon ng 88 ginto, 37 pilak at 35 bronze medal habang ang South Korea ay nanatiling nasa ikalawa sa 28-21-30 at ang Japan ay nasa ikatlo pa rin sa 17-39-35.