MANILA, Philippines - Patuloy ang kamalasang inaabot ng Pilipinas sa larangan ng billiards sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Ito’y matapos ang pamamaalam agad ni Rodolfo “Boy” Luat at ang dalawang kababaihang sina Mary Ann Basas at Floriza Andal sa nilahukang events kahapon sa Asian Games Town Gymnasium.
Si Luat na lumaban sa larangan ng carom 3-cushion singles ay inilampaso ni Ly The Vinh ng Vietnam, 40-29, para matalo agad sa kanyang unang sabak sa kompetisyon.
Dahil dito ay naiwan na lamang kay Reynaldo Grandea ang hangarin ng bansa na makaporma sa event na ito at si Grandea ay masusukat laban kay Punyawee Thongchai ng Thailand.
Sina Basas at Andal na entrada ng bansa sa women’s 6-ball red snooker singles at sinasabing palaban sa medalya ayon sa pamunuan ng Billiards Snooker Congress of the Philippines (BSCP) ay nasibak din agad.
Sinuwerteng makasama ang dalawang manlalaro sa mga nag-bye sa preliminary, hindi naman kinaya nina Basas at Andal ang mga nakalaban upang mamaalam sa round of 16.
Si Basas ay yumukod kay Korean Cha Bo Ram sa masakit na 4-3 iskor habang bokya naman si Andal kay Chan Ya-Ting ng Chinese Taipei, 4-0.
Bago ang mga kabiguang ito ay nauna nang namaalam ang mga lahok ng bansa sa men’s snooker team, women’s 6-red ball team at sa 8-ball singles.
Masakit ang kabiguan sa 8-ball singles dahil ang kumatawan sa bansa ay sina Efren “Bata” Reyes at Roberto Gomez na parehong umuwing luhaan sa mga nakalabang Indian cue artiest sa unang laro.
Sa pangyayari, maiiwan sa mga balikat nina Warren Kiamco at Dennis Orcollo at kina Iris Ranola at Rubilen Amit ang paghahangad ng ginto sa billiards.
Sina Kiamco at Orcollo ay kakatawan sa 9-ball singles, habang palaban pa sina Ranola at Amit sa 8-ball at 9-ball sa kababaihan.